Cultural

Walk for Life, taunang isasagawa

Labis ang pasasalamat ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity sa matagumpay na pagtitipon ng mga mananampalataya para sa ikalawang taon ng Walk For Life.

Pinasalamatan ng Obispo ang lahat ng nakiisa at ang mga tumulong upang maisakatuparan ang pagpapahatid ng mensahe ng mga mananampalatayang naninindigan para sa kasagraduhan ng buhay.

Tulad ng mensahe ni Manila Abp. Luis Antonio Cardinal Tagle sa kanyang homiliya, sinabi ni Bishop Pabillo na ang regalo ng buhay ay dapat na lubos na ipagpasalamat at pahalagahan.

“Masaya po ako, maganda na maraming tumugon sa aming panawagan for the second year at mas naging orderly at mas naging organized an gating ginawa at mas punong-puno ng pagninilay, ng panalangin para sa buhay, kaya maraming salamat at maganda rin na dumating si cardinal at nagbigay ng mensahe nya, at maganda ang mensahe nya na pagpapahalaga sa buhay na tanggapin natin yung gratuity, giftedness of life, at kung may giftedness, ibig sabihin may pasasalamat tayo at pahalagahan natin ang regalo na ito.” Pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radyo Veritas.

Kaugnay nito, umaasa si Bishop Pabillo na magiging bahagi na ng taunang pagtitipon-tipon ng mga mananampalataya ang Walk For Life.

Naniniwala ang Obispo, na kung magiging taunan ang pagtitipong ito ay mas mapagtitibay ang paninindigan sa buhay ng bawat Filipino.

“Ang plano namin sana maging yearly event kasi talagang kailangang panindigan ang buhay at buhayin sa mga Filipino ang paninindigang ito.”

Nagpaabot din ng pasasalamat si CBCP Vice President Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa Sangguniang Laiko ng Pilipinas at sa mga mananampalataya na nakiisa sa Walk for Life laban sa lahat ng banta sa buhay.