Kapanalig, mas masigla na ang paligid  – mas marami ng mga negosyo ang bukas, mas marami ng mga mamamayan sa kalye. Ilang araw na lamang, pasko na. At pagpasok ng Disyembre, pihado, dama na natin ang Christmas rush.

Pero teka lang kapanalig, hinay hinay muna. Tingnan muna natin ang ating paligid. Sa unti-unting pagbangon ng bayan, tayo ba ay may naiiwan sa laylayan?

Ayon sa isang survey  mula sa United Nations Development Program at ng Zero Extreme Poverty 2030 na isang local NGO, marami pa rin tayong mga kababayan ang naghihirap. Bago pa man magka COVID 19, 90% na ng kanilang 18,000 respondents mula sa Metro Manila, Nueva Ecija, Bohol, Eastern Samar, Sarangani, Bukidnon, at Sorsogon ay nakakaranas na ng kawalan ng kita—90% sa kanila ay may income na mas maliit pa sa P10,000 kada buwan at mga 60% naman ay may income na mas maliit pa sa P6,000 kada buwan. At ng dumating na ang pandemya at lockdowns, 75% sa kanila ay mas lalo pang nabawasan ang kita.

Kapanalig, mas marami ang naghihirap sa ating bayan ngayon. Buksan natin ang ating mga mata at tenga. Ang kanilang paghihirap ay natatabunan na naman ng pulitika ngayon, kaya kailangan mas lalo tayong maging mas mapagmatyag. Mas lalo natin silang maiiwanan kung magpapabulag tayo sa pulitika ngayon.

Ang susi sa pagtataguyod at pagbuo ng mas matatag na kinabukasan kapanalig, ay ang paninguro na lahat tayo ay kasama sa pagbangon. Walang saysay ang economic development na tumatapak sa karapatan at buhay ng maralita. Hindi sila latak, o sagigilid lamang sa ating lipunan. Sila ang ating pundasyon—ang mga manggagawa at maliliit na namumuhunan na nagbabanat ng buto upang maging kongkreto ang mga pinag-isang pangarap at mithiin ng bayan.

Isang paraan upang sila ay makabangon kapanalig, ay ang paniniguro ng social assistance at social protection. Kapanalig, ang social protection ay karaniwang first line of defense ng mga mamamayan sa panahon ng krisis, aberya, o pangangailangan. Halimbawa, karaniwan na pag ang isang empleyado ay may sakit, mayroon siyang mga benepisyo na magagamit gaya ng sick leaves at medical assistance. Ang mga impormal na manggagawa, wala nito. No work, no pay sila. Kaya’t ang mga maralitang nagkaroon ng COVID 19, wala silang choice kundi mag-absent at makaranas ng gutom sila at ang kanilang pamilya sa loob ng panahon na siya ay naka quarantine. Ganun din kapag panahon ng bagyo, o anumang emergency. Wala silang choice kundi kumayod pa rin.

Ang pagtatangi sa dukha, kapanalig, ay kasama sa ating misyon bilang Katoliko. Ito ay paraan natin upang mapadama sa lahat ang Kristong Hari, na nagkatawang tao upang isalba ang mga api. Ito ay alinsunod sa Deus Caritas Est, bahagi ng panlipunan turo ng Simbahan, na nagsasabi na sa komunidad ng mga nananalig, walang puwang ang kahirapan na nagnanakaw ng dignidad ng tao.

Sumainyo ang Katotohanan.