Hindi dapat maging bahagi ng kultura ng Pilipinas ang umiiral na ‘political dynasty’ sa pamahalaan.

Ito ang binigyang diin ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa kanyang Pastoral Visit On-Air sa Radio Veritas kaugnay sa nakatakdang halalan sa susunod na taon.

Ayon sa Obispo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, bilang mga botante ay dapat tuldukan na ang pamamayagpag ng political dynasty sa bansa.

Sinabi ni Bishop Pabillo na bilang bahagi ng lipunan na humuhulma sa kultura ng bansa ay dapat na manindigan ang bawat mamamayan sa tuluyang pagwawaksi ng political dynasty.

Iginiit ng Obispo na nagsisimula sa kapangyarihan ng bawat isa na bomoto sa halalan ang pagbabago sa sistemang ito ng politika at pamamahala sa bansa para tuluyang matigil na ang paghahari ng iilang pamilya.

“We are part of the culture so we are not slaves of the culture, the culture is continuing building up so depende sa atin, tayo din ang magdidirect saan tatakbo yung culture. Simulan na natin ngayon kahit mag-isa lang ako na nagsisimula na nagsasalita ng ganun o hindi bumoto ng ganun mahalaga ang bawat boto natin.” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.

Binigyan diin ng Obispo na mahalagang kundinahin at iwaksi ang political dynasty sa pamamagitan ng hindi paghalal sa mga magkakamag-anak sa anumang posisyon sa pamahalaan.

“Ang mga pwede nating gawin na nakikita ko yung dalawa, una po denounce hindi tayo titigil ng pagdi-denounce ng political dynasty at pangalawa kapag ang isang kandidato ay tumakbo na siya ay kamag-anak ng isang kandidato huwag na natin botohin [iboto] at that very fact i-disqualify na natin siya, kahit na magaling pa siya.”dagdag pa ni Bishop Pabillo.

Pinayuhan ni Bishop Pabillo ang mga botante na isaalang-alang ang ikabubuti ng bayan o ng mas nakakarami sa paghalal ng mga opisyal ng gobyerno.

Umaasa ang Obispo na mabuksan ang kamalayan ng bawat isa na ang political dynasty ang isang dahilan ng patuloy na korapsyon na nagaganap sa lipunan.

“Hindi mo dapat tinitingnan ang utang na loob mo, tingnan mo yung ikabubuti ng bayan, lumawak dapat ang ating paningin hindi mo siya binoboto para sayo, ang ibinoboto natin para sa ikabubuti ng bayan at ang political dynasty hindi po yan ikabubuti ng bayan at alam po natin na ang political dynasty ay naging dahilan ng maraming korapsyon kasi wala ngang pananagutan…” paliwanag ni Bishop Pabillo.

Ayon sa datos ng Center for People Empowerment in Governance (CenPEG), aabot sa 178 ang bilang ng mga ‘dominant political dynasties’ o kilalang angkan sa larangan ng politika sa bansa.

94 na porsiyento sa 80 na lalawigan sa Pilipinas ay mayroong political dynasty.