Latest News Politics

Voting is an act of prayer-Bishop Bagaforo

Reyn Letran - Ibañez

ByReyn Letran - Ibañez

Oct 14, 2021

Ang pagboto sa halalan ay maituturing na isang paraan ng pananalangin para sa bayan.

Ito ang bahagi ng pagninilay ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action – Justice and Peace sa ikalawang serye ng novena mass ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) bilang paghahanda sa 2022 national elections.

Ayon sa Obispo, ang pagboto ay isang paraan ng pagdarasal para sa pagkakaroon ng bayan ng kapat-dapat na opisyal na mamumuno para sa bayan.
Paliwanag ni Bishop Bagaforo na siya ring National Director ng NASSA/Caritas Philippines, dapat na isa-puso at isa-isip ng bawat botante sa pagboto ang pananalangin sa pagsasakatuparan ng ikabubuti ng buong bansa.
Iginiit ng Obispo na bukod sa pananalangin sa pagkakaroon ng lider na tututok sa kaunlaran, katahimikan at kaginhawaan ng bayan ay dapat din piliin ng mga botante ang mga lider na higit na magbibigay prayoridad sa pagsugpo sa malawakang krisis na dulot ng pandemya.

“Voting is an act of prayer, kung tayo ay boboto isa yang dasal, dasal natin sana magkaroon tayo ng karapat-dapat na leaders, pinuno ng ating bayan. Voting is an act of prayer kapag tayo ay nagboto, tayo ay nagdadasal na sana magkaroon tayo sa ating bansa ng kaunlaran, katahimikan, maging maginhawa ang ating buhay, maging matahimik ang ating buhay, hindi tayo maghirap na sana matulungan tayo ng ating mga pinuno na ating pipiliin para masugpo itong pandemic at huwag ng magpatuloy pa ng maraming taon, so tandaan natin voting is an act of prayer.” Ang bahagi ng pagninilay ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo.

Kaugnay nito bahagi ng layunin ng ikalawang serye ng online mass ng PPCRV na ipanalangin ang paninindigan sa tama ng mga alagad ng batas sa pagbabantay sa kabuuang proseso ng halalan.

Tinagurian ang serye ng novena masses na gagawain sa loob ng siyam na buwan na PPCRV Prayer Power Campaign 2022 na nagsimula noong ika-9 ng Setyembre, 2021 na gagawin hanggang sa mismong araw ng halalan sa ika-9 ng Mayo, 2022.

Layunin ng gawain na ipanalangin at hingin ang paggabay ng Panginoon sa matalino at maka-Diyos na pakikilahok sa halalan ng bawat mamamayang Pilipino o pagpapairal ng One Godly Vote para sa kinabukasan ng bansa.