182 total views
Updated as of 3:20PM 7/13/2017
Nagpahayag ng kanilang damdamin ang mga obispo mula sa Mindano, hinggil sa panukalang limang taong pagpapalawig ng batas militar sa rehiyon.
Ayon kay Ozamis Archbishop Martin Jumoad, ang panukala ay dapat munang isailalim sa masusing pag-aaral.
Paliwanag ng arsobispo, bagama’t sang-ayon siya sa umiiral na batas militar sa Mindanao ay inaasahan nitong pansamantala lamang ang deklarasyon hangga’t may kaguluhan partikular na sa Marawi.
“I support martial law but for the extension, our president and legislators must evaluate the situation. The situation has to be investigated before saying we need more years,” mensahe ni Archbishop Jumoad sa Radio Veritas.
Naniniwala naman si Digos Bishop Guillermo Afable na ang pagsugpo ng kasamaan ay sa pamamagitan ng kabutihan na hindi makakamit sa pagpapalawig ng batas military.
“Kasi ang ugat ng kaguluhang ito sa bayan at sa buong mundo ay ‘yong hindi pagsunod sa golden rule. Ang batas militar ay gamit ang lakas dahas. Anong palagay mo na ibubunga nito, kung hindi lakas at dahas din. Lalala tuloy. Sabi ng panginoon, sugpuin mo ang kasamaan sa pamamagitan ng kabutihan,” ayon kay Bishop Afable.
Sa Mababang Kapulungan, isinisulong ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang 5-year extension ng martial law upang tuluyan nang mawala ang terorismo sa buong Mindanao.
Una na ring naglabas ng pahayag ang Mindanao Bishops na bagama’t hindi tumutol sa pag-iral ng martial law ay umaasang kagya’t itong babawiin sa oras na matapos ang kaguluhan sa Marawi.
Hindi rin sang-ayon si Lanao Institute for Peace and Development (LIPD) spokesman Zuwaib Decampong na hindi na kailangan pang pahabain ang pagpapatupad ng Martial law sa Mindanao.
Naniniwala si Decampong na magdudulot ng takot at maling “perception” sa kalagayan ng kapayapaan sa Mindanao ang Martial Law extension.
Ayon kay Decampong, hindi mai-aalis sa mga residente na bumalik sa kanilang alaala ang masamang dulot ng mahabang pagpapatupad ng martial law sa nakalipas na panahon lalo na kung ipatutupad ito sa Mindanao higit sa nakatakdang 60 araw.
SWS survey
Base sa inilabas ng Social Weather Station survey na nagsasabing 57 percent ng mga Filipino ay sang-ayon sa umiiral na 60-day martial law sa Mindanao na idineklara ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Naninindigan naman si CBCP-Episcopal Commission on Mission chairman Sorsogon Bishop Arturo Bastes na ang martial law ay lalong magpapalala sa peace and order sa Mindanao.
Ayon kay Bishop Bastes, tataas din ang kaso ng mga paglabag sa karapatang pantao o human rights sa implementasyon ng batas militar sa Mindanao.
Hindi rin naniniwala ang Obispo na mayorya sa mga Filipino ay sang-ayon na palawigin ng 5-taon ang implementasyon ng martial law sa buong Mindanao tulad ng panukala ni House Speaker Pantaleon Alvarez.
“Even if 57% of Filipinos approve of ML in Mindanao now, I don’t believe that the majority will like to extend it for 5 years. I am opposed to ML in Mindanao because ML will worsen peace and order and increase violation of human rights,” pahayag ni Bishop Bastes.
Sa panig naman ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, inaasahan na ang pagpanig ng publiko sa martial law dahil na rin sa kabi-kabilang ulat hinggil sa kaguluhan sa Marawi at terorista sa Mindanao.
Giit ng Obispo, naninindigan siya sa unang inilabas na pahayag ng Mindanao Bishops na ang batas militar ay pansamantala lamang at mas dapat na tutukan ng pamahalaan ang pagpapabuti ng pamamahala at ang pagpapaangat ng kabuhayan ng mga taga-Mindanao
Sa mensaheng ipinadala ni Bishop Bagaforo sinabi nitong, “Yes expected that many supports ML in Mindanao with all the news about ISIS and Marawi… many prays that this won’t spread in other places. Many also agrees with Mindanao bishops’ position that ML is and should be temporary. Better governance and poverty alleviation should be pursued relentlessly by all. War in Marawi never again! “
Ayon naman kay Marawi Bishop Edwin Dela Pena ang pagpanig ng ilan sa martial law ay bunsod ng pagpasok ng mga dayuhang terorista sa bansa kaya’t marami ang natatakot at naniniwalang mas ligtas sila sa pag-iral ng martial law.
“The biggest factor perhaps is continuing war in Marawi and the entry of a foreign ideology, that is violent extremism of ISIS inspiration. The length of time this had been going on and the utter destruction of Marawi perhaps justified ML according to our people,” paliwanag ni Bishop Dela Peña.
Sinabi naman ni Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP- Permanent Committee on Public Affairs, maaring karamihan sa mga pumabor sa martial law ay pawang hindi nakita at naranasan ang epekto ng batas militar na una ng umiral sa bansa noong 1970’s.
Giit ni Father Secillano, ang martial law ay hindi konsepto kundi isang disiplina ng pagsunod at may kaakibat na parusa na maaring maabuso ng mga nagpapatupad ng batas.
“Those who are in favor of it, perhaps only knew Martial Law as a concept. It is possible that they hve not seen and experienced yet the realities of it. It is a measure to discipline but at the cost of our freedom and rights. Extending it to 5-years poses some serious constitutional and legal issues. Besides, the military itself claimed that it may be too much to extend it further,” ayon kay Fr. Secillano.
Una na ring inihayag Armed Forces of the Philippines (AFP), bagama’t hindi pa matiyak kung hanggang kailan matatapos ang digmaan sa pagitan ng Isis inspired terrorist sa Marawi ay may limang barangay mula sa higit 90 barangay ng lungsod ang may presensya pa ng armadong grupo.
Sa isang akda naman ni Fr. Eutiqiuo Belizar na may titulong the ‘Church and martial law’, sinasabing ang batas militar noong dekada ‘70 ay tinaguriang ‘dark years’ sa kasaysayan ng bansa na naisantabi ang kalayaan sa halip ay ang pag-iral ng pang-aabuso, pagsupil at diktadurya.
Inaasahang sa ika-23 ng Hulyo ay magtatapos ang 60-day martial law declaration ng Pangulong Duterte sa Mindanao na nagsimula noong ika-23 ng Mayo matapos lusubin ng Maute group ang Marawi city.
Sa loob ng halos dalawang buwan, umakyat na sa higit 500 katao ang nasasawi sa kaguluhan, habang 400 libong mga residente ang nanatiling nasa evacuation centers at bahay ng kanilang mga kaanak para makaiwas sa digmaan.