Cultural

Vicariate of Jolo, mayroon ng Apostolic administrator

Itinalaga ng Kaniyang Kabanalan Francisco si Father Romeo Saniel ng Oblates of Mary Immaculate bilang Apostolic Administrator ng Jolo, Sulu.

Si Father Saniel ang pansamantalang mangangasiwa sa Apostolic Vicariate of Jolo hangga’t wala pang Obispong itatalaga ang Santo Papa na papalit sa iniwang posisyon ni Bishop Angelito Lampon noong Nobyembre ng nakalipas na taon.

Si Bishop Lampon ay itinalaga bilang Arsobispo ng Cotabato na kahalili naman sa nagretirong si Orlando Cardinal Quevedo noong Nobyembre 2018.

Bukod sa Jolo, Sulu sa kasalukuyan ay siyam pang mga diyosesis sa bansa ang walang nangangasiwang obispo kabilang na ang Butuan, Iligan, Isabela Basilan, Malolos, San Jose Mindoro, Taytay at Military Ordinariate.

Nagtalaga naman si Pope Francis ng mga kinatawan para sa mga ‘sede vacante’ na diyosesis kabilang na sa Taytay na pinangangasiwaan ni Fr. Reynante Aguanta; ang Iligan na pinangangasiwaan ni Dipolog Bishop Severo Caermare; si Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang administrator ng Diocese of Malolos; si Cebu auxiliary Bishop Oscar Jaime Florencio sa Military Ordinariate at San Jose, Mindoro sa ilalim ng pangangasiwa ni Ilagan Bishop William David Antonio.

Si Fr. Saniel ay kabilang sa Trustee ng Catholic Educational Association of the Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Itinakda naman sa ika-30 ng Enero 2019 ang pormal na pagtatalaga kay Fr. Saniel bilang administrator ng Jolo.

Mula sa higit isang milyong populasyon sa Jolo isang porsyento lamang ang nabibilang sa pananampalatayang katoliko o katumbas ng 31,000.

Ang Apostolic Vicariate ng Jolo ay binubuo ng limang parokya at may 13 mga pari.