Malaki ang maitutulong ng Veritas Truth Survey sa pagsaalang-alang ng mga botante sa pagpili ng ihahalal na kandidato sa May 9 National Elections.

Ito ang ibinahagi ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani sa Veritas Truth Survey Press conference kung saan inihayag ang pulso ng masa batay sa mga katangiang hango sa pagpapakahulugan ni Robert Greenleaf sa Servant-leadership.

“Para sa akin, ang malaking maitutulong nito, sa simbahan mismo ay matulungan ang mga tao na hubugin ang mga mamamayan, lalo na ang mga mamamayang katoliko, para pagpili nila gagamitin talaga nila ito na isang malaking batayan sa pagpili ng mga mamumuno sa atin.” Pahayag ni Bishop Bacani.

Itinuturing din ng Obispo na isang hamon para sa Simbahan na maiangat ang antas ng kaalaman ng publiko sa pagkilatis sa karapat-dapat na pinunong maglilingkod sa bayan sa susunod na anim na taon.

“Ito ay isang hamon din upang ang mga tao ay maiangat natin ang kanilang antas ng kaalaman, pagpili, pagkilatis sa mga tao, ating iwan yung mga dating pamamaraan na alam natin na talagang hindi sapat at isa sa mga dahilan kung bakit ganito ang ating kinasadlakan.” Dagdag ng Obispo.

Umaasa si Bishop Bacani na sa tulong ng Veritas Truth Survey, mapatitingkad ang tunay na kahulugan ng Servant-leadership na unang ipinamalas ng Panginoong Hesukristo sa pamamagitan ng kanyang pagkakawanggawa, at paglilingkod sa mga mahihirap.

Sa pinakahuling V-T-S, nanguna si Grace Poe sa limang kandidatong presidente batay sa 10-katangian ng isang servant leader; listening, emphaty, healing, awareness, persuaion, conceptualization, foresight, stewardship, commitment to the growth of the people,at building community na nakakuha ng 59-percent ng 1,200 respondents.

Pumangalawa si Senador Miriam Defensor Santiago, tabla sa ikatlong puwesto Mayor Rodrigo Duterte at Senador Mar Roxas at pang-apat si Vice President Jejomar Binay na nakakuha ng 41-percent.

Paulit-ulit namang hinihikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang may 54.6 na milyong botante sa bansa na gamitin ng tama ang kanilang karapatan sa pagboto dahil isa itong mahalagang sangkap ng demokrasya at unang hakbang para sa pagbabago ng lipunan.(Yana Villajos)