305 total views
Naninindigan ang Arsobispo ng Nueva Caceres laban sa pagsusulong ng parusang kamatayan at patuloy na pagdami ng napapatay sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga sa bansa.
Binigyan diin ni Caritas Philippines National Director at Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona na sagrado ang buhay ng tao at ang Diyos ay patuloy na nagbibigay ng kanyang biyaya ng pagpapatawad.
Dahil sa patuloy na banta sa buhay, tiniyak ni Archbishop Tirona na kanilang paiigtingin at palalakasin sa selebrasyon ng “Year of the Parish” ang ugnayan ng parokya sa sambayanang Kristiyano bilang Basic Ecclesial Communities upang mabigyang halaga ang buhay ng tao at pagpapatawad sa mga nagkasala.
“Ang programa po natin unang – una ay positibo sa pagbibigay ng kahalagahan ng buhay ng tao at lalong – lalo na ang kahalagahan ng pag – asa. At itong buhay at pag – asa ay nagaganap sa ating sambayanan. Kaya ang mga kaparian rito ang kanilang bukang bibig ay kailangan nating palalimin ang ugnayan bilang mga parokya at sambayanang Kristiyano bilang BEC at sa loob ng sambayanang ito dapat mamutawi o mangibabaw ang kahalagahan at kabanalan ng buhay at kagandahan ng pag – asa. Mahalaga diyan siyempre ang mensahe ng pagpapatawad at pagbibigay ng bagong buhay sa sinumang nagkamali sa buhay na ito,”pahayag ni Archbishop Tirona sa panayam ng Veritas Patrol.
Nauna rito, hinimok ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mamamayang Pilipino na bigyan ng pag-asang makapagbagong buhay ang mga nagkasala.
read:
http://www.veritas846.ph/bigyan-ng-pag-asa-ang-mga-makasalanan-cardinal-tagle/
Umaasa rin si CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People chairman Balanga Bishop Ruperto Santos na magising at bigyan pansin ng pamahalaan ang survey na 8 sa 10 o 78 – porsiyento ng mga Pilipino ay nababahala at natatakot sa laganap na extra – judicial killings sa bansa.
read:http://www.veritas846.ph/takot-ng-mga-pilipino-sa-ejk-wake-call-sa-pamahalaan/
Samantala, hinimok naman ng ilang anti – culture of death sa Kongreso ang mga opisyal ng Simbahan at mga civil groups na magpahayag ng kanilang nagkakaisang pagtutol sa death penalty.