EconomicsLatest News

Tulungan ang mahihirap, tungkulin ng Simbahan

April 6, 2020, 1:21PM

Tungkulin ng simbahan na tulungan ang mga nangangailan mayroon man o walang Pandemic Corona Virus disease.

Ito ang binigyang diin ng opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-National Secretariat for Social Action Justice and Peace (CBCP-NASSA/Caritas Philippines) sa mga nagtatanong ng ginagawa ng simbahan ngayong panahon ng krisis.

Ayon kay Fr. Edu Gariguez ng CBCP-NASSA/Caritas Philippines sa panayam ng Radyo Veritas, tahimik na kumikilos ang simbahan sa pamamagitan ng 85- social arm nito sa buong bansa kabilang na ang Caritas Manila.

“Lalu’t higit kung ganitong may krisis. At yun nga po sa kabila ng lockdown sa kabila ng kahirapan nating pare-pareho ay nagsisikap tayong gumawa o tulungan na mag-abot kamay dun sa mga naapektuhan nitong covid lockdown na ito,” pahayag ni Fr. Gariguez.

Ang Caritas Philippines sa pamamagitan ng inilunsad na Kindness Station ay mayroon ng P130 -milyon na nalikom na pondo habang naging tulay naman ng mga negosyante sa Metro Manila ang Caritas Manila para maipahamagi ang P1.5 Bilyon Gift Certificates sa urban poor families.

“Pero hindi nangangahulugan na tayo ay paralyzed dahil wala tayong magagawa. Kaya ang bawat parokya at mga diyosesis may kaniya-kanyang bersyon ng kindness stations lalu’t higit ngayong panahon ng kuwaresma at kung paano magkakaroon ng pagkakataon magbahagi, tumulong,” pagbabahagi ng pari.

Hinikaya’t din ni Father Gariguez ang bawat mananampalataya na patuloy na tumulong at makibahagi sa Damay Kapanalig Alay Kapwa Telethon ng Caritas Manila at Radio Veritas dahil walang inaasahang tulong mula sa ibayong dagat dahil sa pandaigdigang epekto ng pandemya.

Ayon kay Fr. Gariguez ito, ay upang makaabot din ang tulong ng Caritas Manila maging sa mga mahihirap na lalawigan.

“Kasi kung may dioceses na hindi naman ganun ang kalaki ang kanilang resources kaya aayudahan po natin ang ibang diyosesis na sa kanilang pagtulong na kulang ang kakayahan.

Iniulat ng Pari na maging ang mga probinsya ay labis ding nagdurusa dulot ng umiiral na stay at home policy bilang bahagi ng pag-iwas sa pagkalat ng novel corona virus,” ayon pa kay Fr. Gariguez.