Cultural

Tuloy-tuloy ang reporma sa Simbahang Katolika

Hindi tumitigil ang Simbahang Katolika sa pagpapatupad ng reporma.

Ito ang inihayag ni Diocese of San Pablo Bishop Buenaventura Famadico, Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Clergy sa patutsada ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte na kinakailangan ng Simbahan ng reporma.

Ang pahayag ng Pangulong Duterte ay kasunod ng pagkakabunyag sa mga kaso ng pang-aabuso ng mga lingkod ng Simbahan sa iba’t-ibang bansa.

Inihayag ni Bishop Famadico na regular ang pagpapatupad ng Spiritual at Moral Reform ng Simbahan bago pa man lumabas ang mga kontrobersyal na kaso ng pang-aabuso ng mga lingkod ng Simbahan.

Iginiit ng Obispo na regular ang reporma na ipinatutupad ng Simbahan upang makasabay sa pagbabago ng panahon at maiangkop ang mga turo at paggabay ng Simbahan sa mga pinagdadaanan ng mga mananamapalataya sa kasalukuyang panahon.

“Yung reform ng Simbahan ay hindi naman kinakailangan magkaroon ng mga ganitong abuses, ang Simbahan ay laging dapat may reform yan ay Spiritually, Morally ang Simbahan ay hindi tumitigil sa pagkakaroon ng reform, actually yung reform hindi naman kinakailangan na magkaroon ng abuse halimbawa ang isang Simbahan ay maganda ang takbo pero kahit ang takbo ng mga history ay may mga bagay na nagbabago kaya kinakailangan mag-adjust din yung Simbahan kaya yung growth of the church is always there, is always required…” paglilinaw ni Bishop Famadico sa panayam sa Radyo Veritas.

Sinabi ng Obispo na patuloy at regular ang repormang isinasagawa ng Simbahan upang mapaunlad ang paraan ng pagbabahagi ng Ebanghelyo at hindi lamang upang maisaayos ang institusyon dahil sa iba’t ibang mga kontrobersiya kinahaharap nito.

Tiniyak naman ni Bishop Famadico na hindi isinasantabi at pinababayaan ng mga Obispo ng bawat diyosesis ang mga reklamo laban sa mga lingkod ng Simbahan na dumadaan sa tamang proseso ng pag-iimbestiga at pagpaparusa kapag napatunayang may nagawang kasalanan.

Kaugnay nito, unang nagpatawag ng February Summit on Sexual Abuse sa Vatican ang Kanyang Kabanalan Francisco upang matalakay ang mga kontrobersyal na usaping kinahaharap sa kasalukuyan ng Simbahan.

Nakatakda ang pagtitipon sa ika-21 hanggang ika-24 ng Pebrero kung saan ipinatawag ni Pope Francis ang lahat ng mga Pangulo ng Episcopal Conferences sa buong mundo para sumailalim sa penitential liturgy, talakayan at pagninilay upang ganap na makapagbuo ng mga panibagong pamamaraan at reporma.