Blog - Rev. Fr. Anton CT Pascual Latest Blog

Tuloy ang Pagsulong

Marami sa atin ang halos tumigil ang buhay dahil sa mga restriksyon ng pandemya at dahil sa economic shocks na dinala nito sa maraming mga kabahayan. Kung dati rati, traffic lamang ang pinoproblema ng marami, dahil sa pandemya, pati pamasahe problema na ngayon. Sinaid ng pandemya hindi lamang ang kalusugan ng maraming mga mamamayan, kundi pati ang kanilang mga bulsa.

Ayon nga sa isang pagsusuri ng ADB, binawi ng pandemya ang kaulanran at ekspansyon na nararanasan ng ating bayan noon. Bago kasi magpandemya, tumataas ng 4.6% kada taon mula 2015 hanggang 2019 ang wage and salary employment sa bansa. Nababawasan na sana ang mga walang trabaho o hindi sapat ang trabaho sa bansa. Kaya lamang, sa loob lamang ng isang taon, nawalan agad ang bayan ng 1.7 million wage and salary jobs at tumaas naman ang bilang ng mga kasapi ng impormal na sector.

May mga leksyon na dala ang pangyayaring ito. Isa sa pinakamatingkad ay ang pagbabago ng landscape o itsura ng trabaho ngayon. Dati rati kapanalig, we thrive on physical contact. Mas gusto ng maraming tao na kumain sa mga fastfoods at restaurants sa mall kung saan maraming tao. Ngayon, ang mga trabahong kaugnay dito ang unang nabawasan. At kung ganito ang sistema, dapat nating ituloy ang transisyon sa mga bagong uri ng trabaho, yung mga tipong wala o limitado ang physical contact.

Sa katotohanan,  marami ng mga negosyo ang nag-adjust. Mas malakas na ngayon ang take-out, deliveries, o self-pick up ng mga pagkain. Lahat ng yan makakatulong hindi lamang para makabawi ang mamamayan, kundi pati ang bansa. Pero mas mabilis mangyayari ito kung sasabay tayo sa nangyayaring shift o pagbabago sa trabaho, mapanegosyante ka man o manggagawa.

Ang mga mamumuhunan ay maaring gumamit ng mga bagong business models na maglilinang ng kapangyarihan ng teknolohiya para sa ganansya ng kanilang negosyo. Maliban sa physical stores, maari na rin nilang subukan ang mga virtual stores. Marami na ngayon kahit tindera sa palengke, online na. Pangalawa, dapat ding magsanay ang mga manggagawa sa teknolohiya. Kapag nagbabago ang uri ng mga trabaho at hindi tayo nakakasabay, mas mahirap makakita ng trabaho.  Maaring magsimula sa simpleng pag-gamit ng apps sa iyong cellphone. Huwag laging nakakatutok sa games o Mobile Legends.

Napakahalaga rin ng bahagi ng pamahalaan dito. Siya kasi ang mag-po-provide ng digital architecture at connectivity sa bansa. Kung palyado sila dito, hindi makakapag-ugnayan ang negosyo sa manggagawa at sa customers nito. Ang productivity ng negosyo at mamamayan ay nakasalalay din sa galing ng pamahalaan.

Kung magagawa natin ito, makakabawi din tayo. At higit pa dito, maisusulong pa natin ang panlipunang katarungan. Sabi nga sa Mater et Magistra, ang katarungan ay hindi lamang makikita sa pantay na distribusyon ng yaman, kundi sa kundisyon ng mga mamamayan na siyang nagsusulong ng bayan.

Sumainyo ang Katotohanan.