Kung naalala niyo kapanalig, noong nakaraang taon, halos masikil sa hirap ang sektor ng agrikultura dahil sa biglaang lockdown na pinatupad sa ating bansa. Ang kanilang mga ani ay hindi nila maibenta sa mga merkado at nagbunsod sa pagkalugi ng maraming magsasaka.

Kapanalig, kailangan nating maalagaan ang sektor ng agrikultura. Ito ay kritikal sa katiyakan sa pagkain sa bansa. Ito rin ay isa mga daan tungo sa makabuluhang poverty reduction sa bansa. Taon-taon na lamang, ang mga magsasaka at mangingisda ang laging pinakamahirap sa bansa. Nasa 34% ang poverty incidence sa kanilang hanay nitong 2015.

Ngayon kapanalig, aray ng aray ang ating mga kababayan sa sektor ng agrikultura. Bumabaha ang mga exports sa merkado at ang kanilang produkto, may COVID man o wala, ay nalulugi. Mas mura lagi ang ang presyo ng exports dahil sa dami ng suplay, habang ang mga produkto natin, dahil sa mahal ng raw materials at gamit sa produksyon, mahal ang nagiging presyo.

Kapanalig, tunay na kailangan ng transpormasyon sa agrikultura sa bansa. Bago pa man magka-pandemic, ang paglago sa sektor na ito ay matamlay – mula 2016 hanggang 2019, nasa 1.3% lamang ito.



Kung nais nating tunay mawaksi ang kahirapan sa bansa, kailangan natin bigyan ng atensyon ang sektor ng agrikultura. Ang dami nilang pangangailangan na hindi natin napupunan. Gaya na lamang ng tulong sa lupa – maraming mga taniman sa bayan ang naco-convert na sa mga residensyal na lupa, at paliiit na ng paliit ang mga sakahan. Maaring maconsolidate o mapagsama-sama ito sa ilalim ng samahan ng mga magsasaka o kooperatiba upang kumita naman ang mga maliliit na magsasaka. Kaya lamang, hirap makipagtunggali sa mga ahensyan o korporasyon na may interes sa lupa.

Ang isa pang problema ay ang irigasyon. Laging below expectations ang performance ng irigasyon sa atin. Kulang ang tubig, may problema sa disenyo, at hirap sa maintenance ang ilan sa problema natin sa aspetong ito. Panahon na upang matugunan din ito.

Kapanalig, kailangan ng malawakang transpormasyon sa agrikultura kung nais natin na tunay na maiwaksi ang kahirapan sa bansa. Ayon nga sa Evangelii Gaudium, “We can no longer trust in the unseen forces and the invisible hand of the market.” Kung nais natin ng tunay na hustisya, kailangan natin ng mga desisyon, programa, at mekanismo na nakatuon sa tunay at makatarungang distribusyon ng kita, ang paglikha ng trabaho, at ang tunay pagsulong sa kapakanan ng maralita. Kung hindi natin gagawin ito, lagi na lamang nasa laylayan ang magsasaka at mangingisda.

Sumainyo ang Katotohanan.