Hindi alam ng marami na ang nakasanayan nating dasalin na panalanging itinuro ni Hesus ay ang version ni San Mateo (6:9-13). Ang pagbasa natin sa araw na ito ay ang version ni San Lukas (11:1-4). Napansin ba ninyo ang pagkakaiba? Mas maikli nang konti. Wala iyung linyang SUNDIN ANG LOOB MO.

Posible kayang na-miss ni San Lukas ang linyang iyon nang isulat niya ang ebanghelyo niya? O baka naman talagang nilaktawan niya? Sa totoo lang marami akong alam na mga taong may isyu tungkol sa linyang iyon sa panalangin: SUNDIN ANG LOOB MO? Sabi ng isang kakilala ko, “Kaya nga ako nagdadasal, nakikiusap ako sa Diyos na ibigay niya hinihiling ng LOOB KO. Bakit pa ako hihiling kung iyung gusto pa rin niya ang masusunod?”

Akala ko iyong isang linya lang ang madalas laktawan ng ibang nagdarasal ng Ama namin. Aling linya ang tinutukoy ko? Iyung “PARA NANG PAGPAPATAWAD NAMIN SA MGA NAGKAKASALA SA AMIN.” Sa mga Kristiyanong hiráp magpatawad yun daw ang nilalaktawan nila. Akala ko iyon lang, meron palang isa pa. Iyung nilalaktawan din ng mga nahihirapang tumanggap sa kalooban ng Diyos. Ay baka umikli nang umikli ang AMA NAMIN!

Sa ating first reading ngayon, may isyu rin si prophet Jonah tungkol sa kalooban ng Diyos. Galit na galit siya sa Diyos matapos na patawarin ng Diyos ang mga taga-Nineveh. Para siyang isang maliit na batang nagmamaktol o nagtatampo sa magulang at nagsasabing, “Hindi na kita bati.” Naungkat pa tuloy niya ang dahilan kung bakit mula noon pang simula, ayaw na talaga niyang sumunod sa Diyos. Di nga ba tinakasan niya ang Diyos nang una siyang tawagin para maging propeta? Hindi naman siya mapupunta sa Nineveh kung hindi siya nilamon ng isda at isinuka sa Nineveh.

Ang sabi niya, “Alam ko naman madali kang maawa, bumawi ng parusa, at magpatawad.” Sa salitang Pinoy, “Pusong mamon ka. Uutos-utusan mo ako na pangaralan sila, na balaan sila na pupugnawin mo ang bayan nila, pauulanin mo ng apoy at asupre, ipalalasap mo ang matinding parusa? Tapos, magpapadala ka lang naman pala sa awa kapag nagmakaawa sila? Ganoon? Pues, ayoko na; humanap ka na lang ng ibang propeta diyan. Patayin mo na lang ako!”

Wow, ang tapang naman ng taong ito. Ang lakas ng loob na manumbat sa Diyos! Ba’t kaya nakapasa itong librong ito at naging bahagi ng Bibliya?

Ano ba ang ipinagmamaktol niya? Palagay ko ganito talaga ang gusto niyang sabihin, “Maging consistent ka naman! Hindi iyung pabago-bago, paiba-iba. Inutusan mo ako na pangaralan ko sila. Pinakatindi-tindi ko nga ang warning ko sa kanila na nalalapit na ang katapusan nila. Paano na lang ako ngayong inatras mo ang parusa? Hindi mo inisip na ako naman ang mapapahiya? Unfair ka naman, Panginoon. Sasabihin nila sinungaling ako. Wala nang maniniwala sa salita ko. Kaya magri-resign na lang ako!”

Nakakatawa siya. Kasing-init daw ng ulo niya ang init ng araw. Kaya, para malamigan naman siya, nagpatubo daw ang Panginoon ng isang halaman na nagbigay lilim sa kanya. Pero kinabukasan hinayaan ng Diyos na uurin, malanta at mabulok ang halaman. E di galit na naman siya sa Diyos!

Sabi tuloy ng Diyos sa kanya, “Nababahala ka para sa isang halaman na hindi mo man pinagpaguran o inalagaan? Wala ba akong karapatan na mabahala para sa sandaan at dalawampung libong tao na hindi nalalaman kung alin ang kanan o kaliwang kamay nila? Wala pa sa bilang ang maraming mga baka?”

Kung minsan talagang masyado tayong pursigido sa dasal natin na pagbigyan ng Diyos ang kalooban natin, kaya hirap tayong magsabi ng SUNDIN ANG LOOB MO. Ang panalangin, two-way traffic iyan. Pag kinakausap natin ang Diyos, sinasabi natin sa kanya ang nasa loob natin. Pero nakikinig ba naman tayo kapag sinasabi rin niya sa atin ang kalooban niya? Baka naman nagmo-monologue lang tayo pag nagdarasal. Hindi panalangin iyon. Pinakamahalaga sa panalangin ang pagsusumikap na maintindihan ang kalooban ng Diyos.

Kanina napansin ko, ang daming palang reactions doon sa parte ng homily na pinost ko kahapon. Lalo na nang sabihin ko na parang hindi tama yung madalas kong marinig sa mga kaibigan kong mga charismatic: SURRENDER TO GOD’S WILL. Sabi ko, ang alam kong sumusurrender ay iyung natalo sa labanan at walang choice kundi sumuko na lang kaysa mamatay.

Sabi ko, parang hindi yata iyon ang ibig sabihin ng OBEDIENCE TO GOD’S WILL. Hindi PAGSUKO ang ginagawa ng sumusunod kundi PAGYAKAP sa kalooban ng Diyos bilang sarili nilang kalooban. Obedience is not about surrendering to God’s will but embracing God’s will as your own. Siyempre, mas madaling sabihin iyon kaysa gawin. Madalas, dumaranas muna tayo ng matinding internal struggle bago sumunod.

Ako, sa palagay ko, kaya nilaktawan ni San Lukas ang SUNDIN ANG LOOB MO, nireserba niya talaga sa bandang huli, noong gabing magdasal si Hesus sa Gethsemane. Ang tindi ng description ni San Lukas, Mistulang mga patak daw ng dugo ang umagos na pawis kay Hesus nang magmakaawa siya na huwag nang ipainom sa kanya ang mapait na kopa ng pagdurusa. Iyon ang sandali na napayapa lang siya nang sabihin niya, SUNDIN ANG LOOB MO!