Cultural

Stop killing drug suspects, panawagan ng Diocese of Malolos sa PNP

Nananawagan ang Diocese ng Malolos sa mga awtoridad para matigil na ang mga pagpaslang sa mga hinihinalang drug addict at drug suspects sa lalawigan ng Bulacan.

Ito ang panawagan ni Fr. Nicanor Lalog III – director ng Social communications ng Diocese ng Malolos matapos ituring ang Bulacan bilang ‘countries bloodiest killing field’ sa isinagawang pag-aaral ng Amnesty International.

“We should ask, we should demand authorities to stop these brutalities. Kasi it’s not solving the problem. Murder, killing drug suspects, murder is never a solution,” pahayag Fr. Lalog sa panayam ng Radio Veritas.

Sa ulat, naitala ang 27 pagpaslang sa Bulacan simula buwan ng Mayo 2018 hanggang Abril ng kasalukuyang taon na ang kalimitang dahilan ay panlalaban ng mga inaaresto sa mga pulis.

Iginiit ng pari na hindi kailanman tugon sa suliranin sa droga ang pagpatay sa mga hinihinalang lulong sa masamang bisyo.

Naghahanda naman ang Diyosesis sa pagkakaroon ng isang tanggapan na binubuo ng mga doktor, abogado at iba pang mga eksperto para tumulong sa mga drug addicts hindi lamang sa legal na paraan kundi para sa kanilang pagpapanibago.

“Isang proposal nga ay magkaroon ng isang isang center kung saan there will be a pool of doctors, and lawyers and experts who would be helping itong mga drug addicts and drug suspects kung paano sila maihahanda para kumuha ng legal aid and the same time maihanda para maibalik sa lipunan, mai-rehabilitate matulungan sila at makahanap ng paraan para masawata na itong problema sa droga,” ayon kay Fr. Lalog.

Bago pa man ang inilunsad ang programa na war against drugs ng administrasyong Duterte, 17- taon nang tumutulong ang Galilee Homes ng Diocese ng Malolos sa mga lulong sa masasamang bisyo.

Ang Galilee Homes o ‘Tahanan’ ay matatagpuan sa Doña Remedios Trinidad sa Bulacan na sa kasalukuyan ay may higit sa 36 na residente kabilang na ang ilang mga lulong sa ilegal na droga.