Kapanalig, may Squid Games din tayo sa ating bansa. Kung hindi nyo pa naririnig ito, ang Squid Games ay isang palabas na nagpapakita ng isang deadly game para sa malaking halaga ng pera. Pag natalo ka, ikakamatay mo ito.

Dito nga lamang sa ating bayan, ang mga kalahok sa laro ay laging nagtatagumpay, at ang mga nakatayang buhay ay ang mga buhay natin—tayong mga ordinaryong Filipino, lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan.

Umiinit na nga ang squid games sa ating bayan ngayon. Papalapit na kasi ang eleksyon. Tayo naman, nagkakandarapa magparehistro. Nakita kasi natin na ang maling pagboto ay katumbas pala ng buhay mo. Kaya lamang kapanalig, hindi lamang dapat tayo tumutok sa pagboto. Maraming taktika ang ating players ngayon para malinlang tayo.

Isa dito ay ang pag-gamit ng substitution rule. Nakita natin noong nakaraang mga taon kung paano nagamit ito. Kahit ilang beses na sinabi na hindi siya tatakbo noong halalan 2016, tumayong substitute candidate ang kasalukyang Pangulo sa umatras na kandidato ng PDP-Laban presidential candidate noon na si Martin Diño.  Hindi man sagarang pangloloko, maaninag natin na may element of mischief dito kasi nababaluktok ang ispiritu o esensya ng substitution rule.

Isa pang taktika, kapanalig, na kumbaga sa volleyball, ay substitution din, ay ang walang kamatayang political dynasties sa bansa. Ang political dynasty ay ang pagmo-monopoliya ng kapangyarihan ng mga pamilyang nasa politika, ang pagtrato nito na akala mo ay pag-aari na nila ang mga pwesto. Ayon nga sa isang pag-aaral ng Ateneo School of Government, sa nakaarang mahigit tatlumpung taon, tumaba ng tumaba ang mga political dynasties sa bansa. Sa lahat ng lokal na posisyon, tumaas mula 19%  noong 1988 tungo sa 29% noong 2017 ang mga political dynasties sa bansa.

Kapanalig, sayang naman ang boto natin kung sa kahuli-hulihan, walang pagbabago. Ayon nga sa isang pag-aaral, kapag naglilipana ang dinastiya, patuloy ang kahirapan, hindi pagkakapantay-pantay, at ang korupsyon sa ating lipunan. Kung patuloy ang dinastiya, makikita natin, pagkatapos ng tatay mamuno, asawa naman niya, pagkatapos ng asawa niya, anak naman niya. At hindi na nakutento, hindi na lang relyebo o substitution ang ginagawa. Ang tatay magiging gobernador na, nanay ang mayor, at ang anak vice mayor o kagawad.

Kapanalig, deadly ang political games ng ating mga lider, at ang buhay natin ang nakataya. Pero, nasa kamay din natin ang kanilang pagkatalo. Mahalaga na mamulat ang ating mga mata at kumilos ng akma. Sabi nga sa Mater et Magistra, ang tao ang pundasyon, ang dahilan, at ang magwawakas ng lahat ng institusyong panlipunan. Gamitin sana natin ng tama ang mumunting kapangyarihang nasa ating mga kamay.

Sumainyo ang Katotohanan.