politics

SK elections, magiging zero political dynasty

Naniniwala ang Legal Network For Truthful Elections (LENTE) na malaki ang maitutulong ng Anti-Dynasty provision sa SK Reform Law upang mabigyan ng kredibilidad ang mga kabataang tatakbo sa Sangguniang Kabataan mula sa usapin ng Political Dynasty sa bansa.

Ayon kay Atty. Rona Ann Caritos, Executive Director ng LENTE isa sa pinaka-tututukan ng grupo sa nakatakdang halalang pambarangay ang pagpapatupad sa unang pagkakataon ng SK Reform Law.

Ipinaliwanag ni Atty. Caritos na dahil sa naturang Anti-Dynasty Provision ay hindi na maaring kumandidato sa anumang posisyon sa Sangguniang Kabataan ang mga kabataang may kamag-anak na halal na opisyal.

Dahil dito, hindi na maaring sabihin na mga S-K ay tanging breading ground lamang ng mga anak ng mga politico.

“Pinaka-importante pong provision dyan ay meron pong Anti-Dynasty Provision so kapag meron pong kamag-anak na Kapitan o ibang politiko yung tatakbong bata, hindi po siya puwedeng tumakbo. So yun pong laging sinasabi na tinatapon sa SK na breading ground ng mga anak ng Mayor, anak ng Kapitan para sila yung palitan. Bawal na kapag may kamag-anak kang politiko, hindi ka na talaga puwedeng tumakbo sa SK…” paliwanag ni Caritos sa panayam sa Radyo Veritas.

Kaugnay nito, bukod sa mga napagpasyahan ng COMELEC na paggamit sa mga Certificate of Candidacy o COC na inimprenta para sana sa ipinagpalibang Barangay at SK Elections noong October 2017 ay tututukan rin ng iba’t-ibang organisasyon ang pagpapatupad sa unang pagkakataon ng SK Reform Law.

Nasasaad sa bagong SK Reform Law na maaari lamang tumakbo para sa katungkulan ay ang mga may edad 18 hanggang 24-taong gulang kung saan bahagi ng Certificate of Candidacy na lalagdaan partikular ng mga SK Candidates ang pagtiyak na wala silang kamag-anak sa mga halal na opisyal na maaaring maging batayan ng posibleng diskwalipikasyon sa kanilang posisyon.

Nauna na ring nanindigan ang Simbahang Katolika na sadyang naaangkop lamang ang regular na pagsasagawa ng Halalang Pambarangay at Sangguniang Kabataan para magkaroon ng mas malawak na karanasan ang mga mamamayan sa pagpili ng mga lider na iluluklok sa katungkulan batay sa kanilang mga nagawa para sa pamayanan.