252 total views
Sang – ayon si dating CBCP – president at Lingayen Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz sa muling pagsusulong sa Kamara ng panibagong pagtataas ng buwis sa mga alak at sigarilyo.
Ayon kay Archbishop Cruz, layunin ng pamahalaan na iligtas sa sakit ang mamamayan hindi lamang para kumita ng malaki.
Nababahala ang Arsobispo sa datos ng Social Weather Station na aabot sa sampung Pinoy ang namamatay kada oras o 240-pinoy ang namamatay kada araw dahil sa paninigarilyo.
Iginiit pa ng Arsobispo na makabubuti ang layuning ito ng gobyerno upang matigil na ang paninigarilyo at ilaan na lamang nila ang kinikita sa pagbili ng pagkain at pangangailangan ng pamilya.
“Wala akong nakikitang masama diyan isa lang naman hindi para kumita ang gobyerno kundi para ang mga tao ay talagang maiwas sa sakit. Hindi lang para malulong sa droga kundi huwag ring malulong sa alkohol at higit sa lahat sa sigarilyo. Mahirap ang buhay natin ngayon hindi naman sikreto iyon, yung mga OFW na nagta – trabaho sa labas para mabuhay kahit papaano pagkatapos ay lalagyan pa ng bisyo ng alak, bisyo ng sigarilyo. Okay yun para yung pera ay kokonti hindi sigarilyo bibilhin kundi pagkain, ang pera kokonti hindi na alak ang iinumin,” bahagi ng pahayg ni Archbishop Cruz sa panayam ng Veritas Patrol.
Inihain na sa Kongreso ang House Bill 4144 na naglalayong amyendahan ang Republic Act 10351 o mas kilala bilang Sin Tax Reform Act kung saan bawat taon ay tataasan ng 4-percent ang ipinapatong na buwis sa mga alak at sigarilyo.
Samantala, sa buong mundo, aabot sa 6 Milyon ang namamatay taun-taon dahil sa paninigarilyo ayon sa datos ng World Health Organization.
Magugunitang noong 2013 ay kumita ng P45.1 billion mula sa Sin Tax ang pamahalaan na ginamit para sa expansion ng PhilHealth coverage ng 14.7 million na mga mahihirap na Pilipino.
Ipinapaalala sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga – Korinto na ang katawan ng tao ay templo ng Espiritu Santo na dapat nating pangalagaan at ingatan.