Cultural

Simbahan sa Diocese of Kidapawan, bukas sa mga napinsala ng lindol

Tiniyak ng Obispo ng Kidapawan na nakahanda ang mananampalataya laban sa kahit anong uri ng kalamidad partikular ang lindol.

Ayon kay Bishop Jose Colin Bagaforo, nakiisa ang Simbahang Katolika ng North Cotabato sa lokal na pamahalaan sa mga disaster preparedness exercises upang matiyak na handa sa tuwing may sakuna.

“We have been cooperating at we have been participating with the local government units (LGU’s) sa ginagawang mga earthquake drill exercises,” pahayag ni Bishop Bagaforo sa Radio Veritas.

Iniulat ng Obispo na walang nasirang gusali at walang napinsala sa pagyanig ng magnitude 5.6 na lindol sa lalawigan noong ika – 9 ng Hulyo ng gabi.

Batay sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) naitala ang epicenter 20 kilometro Timog-Kanluran ng Makilala North Cotabato.

Ibinahagi pa ni Bishop Bagaforo na ideneklara ng lokal na pamahalaan ng North Cotabato na walang pasok sa lahat ng institusyon upang maiwasang magkaroon ng pinsala dahil patuloy pa rin nararamdaman sa lugar ang mga aftershock.

Tiniyak ng Obispo na bukas ang mga Simbahan sa Diyosesis ng Kidapawan sa mamamayang nangangailangan ng matutuluyan kung magpapatuloy ang mga pagyanig at kung sakaling magkaroon ng mga pinsala.

“In terms of the event na kailangan ng relief at tsaka ng rehabilitation open directives ko sa lahat ng mga Pari if there are, in our parishes may mga gymnasium kami o di kaya more or less malaki at saka strong yung aming mga simbahan, I told them and we agree in the event of those things, those disasters will happen they can become center of evacuation and become center of rehabilitations,” ani ng Obispo.

Dalangin ni Bishop Bagaforo na mailayo ang mamamayan sa kapahamakan at hinimok ang bawat isa na patuloy kumapit sa Panginoon at magtiwala sa Kanya.

Jesus Prayer
“Lord, Jesus Christ, son of David, have mercy on me a sinner.”
PANALANGIN

Panginoong Diyos, iligtas mo po kami Panginoong Hesukristo, tulungan nyo po kami, nawa’y ilayo kami sa mga sakuna. Nawa’y mabuksang muli ang aming mga puso na ang lahat ay nasa kamay ng Diyos Ama at ang lahat; ang katapusan at simula ng buhay ay nasa kamay ng Diyos. Nawa’y panatilihin mo’ng matatag ang aming pananampalataya at nawa’y iligtas mo kami at bigyan kami ng malalim pa na pag-asa ng Iyong pagmamahal sa amin. Ang lahat ng ito ay hiniling sa ngalan ng iyong Anak na si Hesukristo na aming Panginoon at aming Tagapagligtas. Nawa’y pagpalain tayong lahat ng poong maykapal lalong lalo na ang mga taga North Cotabato. Amen!