186 total views
Nilinaw ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity na matagal ng nakikiisa ang Simbahang Katolika upang labanan ang iligal na droga.
Ito ang tiniyak ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng komisyon kaugnay sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang ginagawa ang Simbahan ukol sa pagdami ng bilang ng mga nalululong sa ipinagbabawal na gamot.
Inihayag ni Bishop Pabillo na suportado ng Simbahan ang kampanya kontra iligal na droga ngunit tumututol ito sa walang habas na extrajudicial killing sa bansa.
Nanindigan si Bishop Pabillo na nakahandang makipagtulungan ang Simbahan sa pamahalaan para sa pag – rehabilitate ng mga drug users at pushers lalo’t marami na ring diyosesis ang naglulunsad ng mga community based rehab centers.
“Ang aming binabatikos ay hindi yung kampanya laban sa droga. Ang aming binabatikos ang pagpapatay na walang judicial process na iyan ay masama. Magtutulungan tayo para ma – rehabilitate lalo’t marami namang programa ang mga dioceses para ma – rehabilitate pero huwag papatayin.”pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Veritas Patrol.
Pinayuhan rin ni Bishop Pabillo si Pangulong Duterte na huwag nitong mamasamain ang pagpapahayag ng Simbahan sa kahalagahan ng buhay dahil hindi naman ito patungkol sa kanya kundi sa pamamaraan ng pagpaslang sa mga drug dependents.
“Huwag niya (Pangulong Duterte) sanang tingnan na ang aming kampanya ay hindi laban sa kanya kundi laban sa pamamaraan ng pagpatay na alam natin ay mali. Labanan natin ang droga sa maayos na paraan.” paglilinaw pa ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radyo Veritas.
Nabatid na sa loob lamang ng pitong buwan nakapagtala na ng 6,700 ang napapatay sa kampanya kontra iligal na droga na hindi man lamang nadadaan sa due process of law.
Magugunita na sa Diocese of Malolos, Bulacan sa loob ng halos 27 taon, ang Galilee Home sa Dona Remedios Trinidad ay kumukupkop sa 25 drug addicts, 25 pang ibang mga bata at matatanda.