Cultural

Simbahan, hinamon na paigtingin ang pangangalaga sa mahihirap

Hinamon ni Sr. Maria Juanita Daño, Religious of the Good Shepherd ang simbahan na paigtingin pa ang mga gawaing nangangalaga sa mga mahihirap.

Ayon kay Sister Daño, bagamat marami nang programa ang Simbahang Katolika na tumutulong sa mga nangangailangan ay tila kulang pa rin ito sa dami ng mga dukhang patuloy na nangangailangan ng pagkalinga.

Inihayag ng Madre na bukod sa pagbibigay ng tulong, mahalaga din na maturuan ang mahihirap kung paano mamuhay ng marangal at mapataas ang kanilang kamalayan tungkol sa tunay na nangyayari sa kanilang lipunan.

Naniniwala si Sister Daño na sa pamamagitan ng edukasyon ay maimumulat ang mga mahihirap at matuturuan kung paano makakaiwas sa dumaraming bilang ng mga biktima ng extra judicial killings o napapaslang mula sa mga police operations.

“Challenge ko sa simbahan na not just dole out, or not just give them what they need, but they have to educate [them]. Kasi ang nangyari sa amin kaya kami nakapag file ng case [Writ of Amparo] sa Supreme Court kasi nag-one-on-one talaga ako ng family, tapos yung mga layko namin binabalik-balikan naming hanggang nakakuha kami ng signature, and nagpa-training,” pahayag ni Sr. Daño sa Radyo Veritas.

Dahil dito, hinamon ni Sr. Daño bawat Filipino na huwag matakot, at alamin ang mga batas na maaaring magprotekta sa buhay ng mamamayan laban sa lumalaganap na karahasan sa bansa.

“Since October 2017 nang nagsampa kami ng case [Writ of Amparo], wala nang pinatay so far, aba sabi nila nabunutan sila ng tinik, at the same time sabi naming, oo nga nabunutan kayo but kayo din kailangan nyong gawin yung assignment nyo na kung may mga tao kayong lulong sa droga ipatulong niyo rin sa amin,” dagdag pa ng Madre.

Matatandaang noong Oktubre taong 2017, nag-file ng Writ of Amparo si Sr. Daño sa Korte Suprema upang hilingin ang seguridad hindi lamang ng kanyang buhay kundi maging ng mga Barangay na maisasama sa kanilang petisyon.

Ang Writ of Amparo ay may pangunahing layunin na protektahan ang sinumang maghahain nito sa Korte Suprema laban sa banta sa kanyang buhay, kalayaan at seguridad ng mga opisyal o kawani ng pamahalaan.

Idinulog ito ng madre kasama ang iba pang 39 na petitioners upang hilingin ang proteksyon ng 26 na kapitan ng mga barangay sa San Andres Bukid kasama na ang mga residenteng nasasakupan ng mga naturang Barangay.