436 total views
Buong puso at pag-ibig na tinatanggap ng Archdiocese of Manila sa kanyang kalinga ang mga drug surrenderers.
Ipinapanalangin ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa Panginoon na basbasan ang kababaang loob na pagsuko at kahandaan ng mga drug user at pushers na magbagong buhay.
“Buong pag-ibig po namin kayong tinatanggap at ipinapanalangin namin na ang inyong kababaang loob na pagsuko at inyong kahandaan na magbagong buhay ay basbasan ng Panginoon. Mahal kayo ng mga kapatid ninyong Pilipino, mahal kayo ng mga nagmamalasakit sa inyo, huwag natin sayangin ang buhay, ang buhay ay mahalaga ito ay dapat pangalagaan at pagyamanin,” pahayag ni Cardinal Tagle sa Radio Veritas.
Tiwala si Cardinal Tagle na sa pagtutulungan ng Simbahan at pamahalaan sa programang “Sanlakbay sa Pagbabago ng Buhay” ay makamit ang inaasam na pagbabagong buhay ng mga drug surrenderers.
“Binabati ko po sa isang natatanging pamamaraan ang mga kapatid natin na may problema sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot o illegal drugs na nag-surrender sa mga Local Government Units at sa mga Barangay. Binabati ko kayo dahil ang iba sa inyo ay pinagkakatiwala ng LGUs sa Simbahan. Tinatanggap po kayo ng Archdiocese of Manila sa pagtutulungan ng Simbahan at ng pamahalaan, sana nga ay makamit natin ang hinahanap natin at inaasam natin na pagbabagong buhay. Ang programa pong ito ay tinatawag na SANLAKBAY SA PAGBABAGO NG BUHAY,” pahayag ni Cardinal Tagle.
Ayon kay Cardinal Tagle, tatlong aspekto ang mai-aalay ng Simbahan sa pagkalinga sa mga drug surrenderer na nagnanais magbagong buhay.
Inihayag ng Kardinal na huhubugin ng Simbahan ang buhay espiritwal ng mga sumukong drug addicts at drug pushers para makilala nila ang panginoon sa pamamagitan ng salita ng Diyos, Katesismo at pagharap sa buhay kung sino sila at kung ano ang tingin sa kanila ng Poong Maykapal.
Tiniyak din ni Cardinal Tagle sa mga drug surrenderers na tutulungan ng Archdiocese of Manila ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng mga livelihood projects.
Isasailalim din ng Simbahan ang mga sumukong sangkot sa ipinagbabawal na gamot sa “skills formation” upang maging kapaki-pakinabang ang mga talento na ipinagkaloob sa kanila ng Panginoon.
“Ano naman po ang mai-aalay ng Simbahan sa inyo? Una po, ay paghuhubog espiritwal para makilala ang Panginoon sa pamamagitan ng salita ng Diyos, Katesismo at pagharap sa ating buhay. Sino ba ako at ano ang tingin ng Diyos sa akin? Ikalawa po, ay ang pagtulong din sa inyong mga pamilya, pagtulong sa inyong neighborhood at kung kayo ay Katoliko pagtulong sa inyong parokya. Ikatlo po, makakatulong din ang Simbahan sa tinatawag natin livelihood projects at gayon din sa inyong skills formation para maging kapaki-pakinabang ang mga talento at kakayanan na ibinigay sa atin ng Panginoon.
Ang Sanlakbay sa Pagbabago ng Buhay program ay binubuo ng Caritas Restorative Justice Ministry, Center for Family Ministries (CEFAM), University of Sto.Tomas Graduate School Psycho-Trauma(UST-GS-PRC), DAP, PCCID, Department of Health, Department of Interior and Local Government(DILG), Philippine National Police(PNP) at Radio Veritas.
Kahapon ika-14 ng Setyembre 2016, sinimulan ng Archdiocese of Manila Restorative Justice Ministry ang ‘Sanlakbay’ – Community Based Rehabilitation Program sa San Roque de Manila Parish bilang bahagi ng pagtugon ng Simbahan sa kampanya ng pamahalaan kontra ilegal na droga.
Ipinaliwanag ni Father Roberto ‘Bobby’ Dela Cruz, priest in charge ng Restorative Justice Ministry na layunin ng ‘Sanlakbay’ na samahan ang mga sumukong drug dependents, sa kanilang laban na baguhin ang kanilang pamumuhay.
“Itong Sanlakbay na ito ang ibig sabihin, naglalakbay tayo, hindi na ngayon mag-isa, kundi may mga kasama tayo. Unang una ang simbahan ay narito para samahan sila, ganun din ang pamahalaan ang kapulisan at ang mga barangay, so itong pakikipaglaban na ito ay mas meron silang laban dahil hindi sila nag iisa,” pahayag ni Fr. Dela Cruz sa Radyo Veritas.
Aminado naman si Father Tony Navarette, parish priest ng San Roque de Manila Parish, na sa kasalukuyan ay hindi pa sapat ang kakayahan ng Simbahan upang masustentuhan ang pangangailangan ng mga surrenderees sa ‘Sanlakbay’.
“Ang mga barangay, mga pulis ay un-equipped sa mga ganitong problema, kailangan natin ng technical people, at iyun ang hinihingi dapat sa rehabilitation. May mga tao from DOH, from medical communities na magsusuri sa kanila, ika-categorize sila. So yun ang kulang at wala daw pondo ang gobyerno para doon,” pahayag ni Father Navarette sa Radyo Veritas.
Gayunman, tiniyak ni Father Navarette na isa itong magandang panimula para sa Archdiocese of Manila dahil bahagi ng pagkukulang ng Simbahan ang paglaganap ng ipinagbabawal na gamot.
“Sa Simbahan, we failed to address the issue, we failed to be a companion to these people, so ngayon we are trying what we can do given the urgency of the need,” dagdag ni Father Navarette.
Ang ‘Sanlakbay’ ay naglalaman ng labindalawang modules na kinakailangang makuha ng mga drug users at pushers.
Pangungunahan ni Father Dela Cruz ang pagbibigay nito sa mga surrenderees tuwing Miyerkules simula alas nuebe ng umaga hanggang alas singko ng hapon.
Sa kasalukuyan, mahigit 20 pa lamang ang boluntaryong sumusuko sa San Roque de Manila Parish na inaasahan na aabot ng 160.