Cultural

Simbahan at IBP, sanib puwersa sa pagtulong sa mga katutubo

Inihayag ng Integrated Bar of the Philippines ang pakikipagtulungan sa Catholic Bishops Conference of the Philippines upang maprotektahan at mabigyang ng legal na tulong at gabay ang mga katutubo sa buong bansa.

Ayon kay Atty. Domingo Cayosa – Executive Vice President ng IBP, may kasalukuyang kasunduan ang organisasyon at ang CBCP Episcopal Commission on Indigenous People para magkatuwang na matulungan ang mga katutubo.

Pagbabahagi ni Atty. Cayosa, malaki ang maitutulong ng mga resources ng bawat diyosesis sa buong bansa upang maiparating sa mga katutubo ang legal na tulong sa mga kaso ng pang-aagaw ng mga lupa sa mga katutubo at usapin ng pagmimina.

“yung CBCP naman meron kasing Commission on Indigenous Peoples hindi sa Tokhang but in many cases yan yung mga nagiging biktima sa kanayunan inaagaw ang lupa, mining the CBCP has in every province also the Bishop, Social Action Center ganun may resources din and staff then access to media and IBP wala naman so nagkaroon kami ngayon ng mga abugado kapag meron kayong kliyenteng IP na natatakot lumantad kayo ang magtutulay, kung tutulungan naman namin ipagamit niyo yung resources niyo, diba synergy yun…” pahayag ni Cayosa.

Nabatid na nasa 14 hanggang 17 milyon ang populasyon ng mga Indigenous Peoples sa bansa na halos karamihan o 61 porsyento ng mga ito ay nasa Mindanao na pawang mga magsasaka sa kanilang ninunong lupa.

Nakasaad naman sa Republic Act 8371 o mas kilala bilang “Indigenous Peoples Rights Act” o IPRA ng 1997 kinikilala nito ang karapatan ng mga lumads na pamahalaan ang kanilang lupang ninunong saklaw.

Samantala, batay sa Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco binigyang diin din nito ang pagbibigay ng malaking papapahalaga sa mga katutubo na syang pangunahing tagapangalaga ng kalikasan.