Nakakaapekto sa kalusugang pangkaisipan ng tao ang sobrang paggamit ng sigarilyo at electronic cigarettes (e-cigarettes) o vape.

Ito ang binigyan-diin ni Atty. Benedict Nisperos, Legal Consultant ng Health Justice Philippines. Ayon kay Nisperos,ang nikotina na nagmumula sa mga ganitong uri ng produkto ay isang highly addictive product na nag-uudyok sa isang tao na lalo pang gumamit nito.

“Ang mga produktong ito ay mayroong nikotina na highly addictive products. So, kapag in-inhale mo ito o nagamit ng iyong katawan, nagiging addicted ‘yung katawan at naaapektuhan kung paano magrespond lalung-lalo na’yung ating mental capacity,” pahayag ni Nisperos sa panayam sa programang Barangay Simbayanan.

Ipinaliwanag ng abugado na ang mga nasa edad 25 pababa ay nakararanas pa rin ng brain development kung kaya’t ang paninigarilyo o ang paggamit ng vape ay hindi naaangkop sa mga kabataan.

“Kaya naman ayaw na ayaw natin na ang produktong ito [ay] maging accessible sa mga kabataan kasi below 25 years old, may brain development pa rin na tinatawag na kung papasukan mo ng nikotina, maaapektuhan po ang mga pag-iisip ng ating mga kabataan,” ayon kay Atty. Nisperos.

Batay sa pag-aaral ng World Health Organization, sa kasalukuyan, ang labis na paninigarilyo ay maaaring maging dahilan ng pagkakaroon ng COVID-19 na ang direktang tinatamaan ay ang baga ng tao. Samantala, nauna nang nanawagan si Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao na talikuran na ang paninigarilyo na bukod sa ito’y pangunahin ring dahilan ng iba pang sakit tulad ng Throat at Lung Cancer ay nagdudulot din ito ng hindi magandang epekto sa kalikasan.

Inihalintulad naman ng Kanyang Kabanalan Francisco na bagong uri ng pang-aalipin ang pagkagumon o pagkalulong na dapat tugunan ng bawat bansa sa pamamagitan ng edukasyon at rehabilitasyon.