271 total views
Opisyal na binuksan sa Fairview Terraces Mall, Quezon City ang ika-27 Seguna Mana Charity outlet at kauna-unahan sa Diocese of Novaliches.
Ayon kay Novaliches Bishop Antonio Tobias na siyang nanguna sa pagpapasinaya ng pinakamalaking sangay ng Segunda Mana, isang magandang pagkakataon ang pagsasama ng Caritas Manila at Caritas Novaliches sa pagtataguyod ng iisang layuning makatulong sa mga dukha at maipakita sa publiko ang produkto ng mga maliliit na negosyante.
“Napakaganda ng konsepto ng Segunda Mana sapagkat yung iniisip natin na patapon na, walang kuwenta at nasa mga bodega na, ilagay natin sa Caritas Manila at ipagbibili sa mga tao dito sa Diocese and you will see na iba ang magiging epekto nito sa ating buhay. Kaya huwag nating sayangin ang ating mga patapon maski anong bagay ilagay natin dito para ayusin kaya nga Segunda Mana, aayusin lang tapos ipagbibili sa isang cost na afforadable sa mga mahihirap and also magkakaroon din sila ng mga gamit na akala natin ang mga mayayaman lang ang magkakaroon,” pahayag ng Obispo.
Ang pondong malilikom ng Segunda Mana Novaliches branch ay pangunahing susuporta sa pag-aaral ng 500 sa 5,000 mahihirap na scholars ng Caritas Manila sa ilalim ng Youth Servant Leadership and Education Program at tutugon sa mga pro-poor programs ng diyosesis tulad ng feeding program, educational assistance at drug rehabilitation.
Kaugnay nito ay lubos ang pasasalamat si Caritas Manila Executive Director Fr. Anton CT Pascual sa mga taong patuloy na sumusuporta at nagbabahagi ng kanilang yaman upang makatulong sa mga kapus-palad at naisasantabi ng lipunan.
“Nagpapasalamat tayo sa Panginoon na binigyan tayo ng isang malaking Segunda Mana Charity Outlet dito sa Diocese of Novaliches to the courtesy of Mr. Fernando Zobel de Ayala. Dito po tayo sa Fairview Terraces Mall kung saan narito ang ating 150 square meter na napakalaking outlet na produkto ng mga donation sa atin ng mga tao na siyang ating tinitinda upang matulungan ang scholarship program ng Caritas Manila, matulungan ang ating mga micro entrepreneur at siyempre makatulong sa ating environmental care na itinataguyod ni Pope Francis,” ani Fr. Pascual
Tampok sa flagship outlet ang mga premium secondhand items tulad ng damit, bag at sapatos gayundin ang mga produkto ng Caritas Margins tulad ng handmade rosary, wallet at artworks na gawa ng nasa 900 micro entrepreneur partners ng Caritas Manila mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ipinapakita ng Segunda Mana ang pagsuporta ng Caritas Manila sa panawagan ng Santo Papa sa pagwawaksi ng kulturang patapon o “throw away culture” habang isinusulong ang environmental advocacy ng simbahan na reduce, reuse at recycle.