327 total views
July 9, 2020, 1:42PM
Umaasa ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas na magkakaroon ng mga naaangkop na guidelines ang pagpapatupad ng Republic Act No. 1-1-4-7-9 o Anti-Terrorism Act of 2020 upang matiyak na hindi ito maabuso laban sa mga inosenteng mamamayan.
Ayon kay Sangguniang Laiko ng Pilipinas President Rouquel Ponte, mahalagang maging mapagmatyag at mapagbantay ang lahat sa panganib na dulot ng naturang batas.
Pinaalalahanan rin ni Ponte ang mga otoridad na maging makatarungan sa pagpapatupad ng batas upang maiwasan ang mga kaso ng pang-aabuso sa mga inosenteng mamamayan.
“It’s a law already so it has to be implemented. Sana yung mga guidelines so that there will be no abuses ay bantayan din ng mga authorities at the same time maybe the general public especially those who are seeing some concerns regarding this law. Maging mapagmatyag para ma-express din so let’s be vigilant as well”. pahayag ni Ponte sa panayam sa Radio Veritas.
Nagpahayag naman ng pagkabahala si Ponte sa naging marahas na implementasyon ng pamahalaan partikular na sa War on Drugs kung saan libo-libo ang nasawi na hindi nabigyan ng pagkakataon na ipagtanggol ang kanilang sarili sa hukuman.
“Unfortunate nga lang yung track record of this government has not been very high in terms of human rights but hopefully let us pray that as the general population becomes more vigilant and they will express parang the rights are respected hopefully hindi naman maabuso ito…“ Dagdag pa ni Ponte
Naunang ikinadismaya ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Anti-Terrorism Act of 2020 na maituturing na pagpapakita ng pagkamanhid nito sa pangangailangan ng bansa na nahaharap sa krisis na dulot ng COVID-19.
Sa kasalukuyan, may tatlong petisyon na ang inihain sa Korte Suprema na humihiling ng temporary restraining order o T-R-O laban sa batas.