500 Years of Christianity Countdown

Inaanyayahan ng Global Catholic Climate Movement-Pilipinas ang mamamayan na makiisa sa paggunita sa panahon ng Adbiyento na may temang “In the Midst of Climate Emergency, Creation Awaits in Hope.”

Pangungunahan ni Cagayan de Oro Archbishop Emeritus Antonio Ledesma ang isasagawang “advent recollection sa ika-12 ng Disyembre, 2020.

Hinikayat din ng GCCM-Pilipinas ang lahat sa isang webinar sa ika-15 ng Disyembre na magpapaliwanag sa kasalukuyang nangyayari sa ating kapaligaran mula sa nilalaman ng Encyclical Letter ni Pope Francis na Fratelli Tutti.

Sa webinar ipapaliwanag ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, vice-president ng Catholic Bishops Conference of the Philippines kung paano ang kapatiran at ang lipunan ay maaaring makabuo ng mas maayos, mas makatarungan at payapang mundo.



Matutunghayan ang lahat ng ito sa facebook page ng GCCM-Pilipinas.

Noong ika-10 ng Disyembre, ginunita sa bansa ang National Day of Action on Climate Emergency kung saan nagsagawa ng kilos-protesta at mga makakalikasang grupo.

Nananawagan ang mga makakalikasang grupo sa pamahalaan na kumilos sa nagaganap na climate crisis sa bansa.

Noong nakaraang taon, tinatayang 150 mga bansa, kabilang na ang Pilipinas, ang nakiisa sa Global Climate strike.

Sang-ayon sa pahayag ng Santo Papa, ang mundo ngayon ay nahaharap sa isang Climate Emergency kaya naman marapat lamang na magsama-sama at magtulungan ang lahat ng tao upang isalba ang ating tirahan.