Environment

Sambayanang Filipino, hinimok na maging bahagi ng “Growing Trees for Life and Justice”.

Umapela ang Obispo ng Diocese of San Carlos, Negros Occidental sa lahat ng mananampalataya, mga pari, religious at mga kabataan kaugnay sa pangangalaga sa kalikasan.

Ayon kay San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, dapat na tiyakin ng bawat isa na hindi nakadadagdag ang sinuman sa deforestration na nagaganap sa mga kagubatan lalo na sa Mount Kanlaon Natural Park at North Negros Natural Park.

“Calling all our priests, religious, youth, and the rest of the people of god in the Diocese of San Carlos! Make sure we are not contributing to the deforestation, especially of Mount Kanlaon Natural Park and North Negros Natural Park!”panawagan ni Bishop Alminaza.

Inihayag ng Obispo ang kalungkutan na makita ang malaking naging kabawasan sa mga punong kahoy sa kagubatan bagamat may mga programa ang pamahalaan upang pangalagaan ito.

“Nakakalungkot kasi parang may mga patuloy pa rin yung (pagpuputol) ng kahoy sa Natural Park, although under DENR yan tapos meron naman (program) ang government, pero nakakalungkot kung makikita mo yung mapa kung gaano kalaki yung dati tapos ngayon ang liit-liit nalang tapos kung mabawasan pa yan…” Dagdag pa ni Bishop Alminaza sa panayam sa Radyo Veritas.

Kaugnay nito, muling hinikayat ng Obispo ang lahat mula sa diyosesis na makibahagi sa programa ng Simbahan na “Growing Trees for Life and Justice” na inilunsad noong nakalipas na taon bilang tugon hindi lamang sa panawagan ni Pope Francis sa kanyang encyclical na Laudato Si at paggunita ng Season of Creation kundi bilang pagkundina na rin sa karahasang nagaganap sa bansa.

“Support our “Growing Trees for Life and Justice” program we started last year during the Season of Creation integrating it with our crusade for life and human rights! For every tree we plant and grow we commemorate the life of every victim of extra judicial killings, of human rights violations, of our long struggle for lasting peace and care for our environment!” dagdag pa ni Bishop Alminaza.

Layunin ng programa na magtanim ng mga puno bilang paraan ng pag-alala sa buhay ng lahat ng mga nasawi sa mga karahasang at paglabag sa karapatang pantao sa bansa.

Bahagi ng panawagan ni Bishop Alminaza noong nakalipas na taon ang pagtatanim ng 250-puno ng bawat parokya bilang pagtugon sa nasabing programa.

Batay sa tala, may mahigit sa 900-libo ang bilang ng mga Katoliko sa Diocese of San Carlos na pinangangasiwaan ng may 86 na pari sa 33 mga parokya.