Veritas Editorial

“Respect for human rights begins at home”

Mga Kapanalig, nanatili ang Pilipinas sa United Nations Human Rights Council o UNHRC. Isa tayo sa 47 bansang miyembro ng konsehong ang pangunahing tungkulin ay itaguyod at ipagtanggol ang lahat ng karapatang pantao sa buong mundo.

Hatî ang marami kung paano tatanggapin ang balitang ito.

Para sa pamahalaan, ang pagkakapili sa Pilipinas na maging bahagi ng UNHRC ay pagkilala raw ng international community sa pangangalaga natin sa karapatang pantao. Sabi pa ng bagong tagapagsalita ng pangulo, patunay daw itong tama ang paraan ng paglaban ng pamahalaan sa ilegal na droga na aniya’y isang “dragon of destruction.” Pagmamalaki pa niya, pinatotohanan ng pananatili natin sa UNHRC ang pagiging epektibo ng kampanya ng administrasyong Duterte laban sa droga, katiwalian, at kriminalidad upang protektahan ang karapatan sa buhay, kalayaan, at pagmamay-ari ng mga mamamayang sumusunod sa batas at nagmamahal sa kapayapaan. Anong tingin mo rito, Kapanalig?

Para naman sa mga pumupuna sa mga patakaran ng pamahalaang hindi kumikilala sa karapatang pantao katulad ng “war on drugs”, napakalaking kabalintunaan (o irony sa Ingles) ang pagkakapili sa Pilipinas na maging bahagi ng UNHRC. Ang international NGO na Human Rights Watch ay nanawagan noon sa ibang bansang kasapi ng UN na ipakita ang kanilang pagtutol sa patuloy na paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas sa pamamagitan ng hindi nila pagboto sa ating bansa. Paano nga ba naman magiging tagapagtaguyod ng karapatang pantao ang isang bansang pinamumunuan ng mga lider na kumikiling sa karahasan sa ngalan daw ng mas mapayapa at mas maunlad na lipunan?

May mga nagsasabing dayuhang konsepto sa ating mga Pilipino ang “karapatang pantao” o human rights. Para sa ilan, masyadong nakatuon ang mga ito sa indibidwal na kapakanan ng mga tao. Hindi rin daw akma ang mga ito sa ating mga pinahahalagahan o values bilang mga Pilipino. Malayo raw ang mga ito sa ating karanasan kung saan binibigyang-diin natin ang pagsunod sa mga nakatataas sa atin at ang pagpapahalaga natin sa ating pamilya higit sa lahat. May mga naniniwalang ang karapatang pantao ay para lamang sa mga taong sumusunod sa batas.

Mali ang ganitong mga pananaw sa karapatang pantao.

Dapat na itaguyod ang karapatang pantao hindi lamang para sa sarili natin kundi dahil may pagtanaw din tayo sa kapakanan ng ating kapwa. Kung hinahayaan nating patayin ang mga kriminal sa halip na idaan sila sa tamang proseso ng batas, naiisip ba natin ang magiging epekto nito sa mga taong nakasalalay sa kanila gaya ng kanilang pamilya? Kung nagbubulag-bulagan tayo sa mga maling ginagawa ng mga namumuno sa atin dahil naniniwala tayong mas mainam ang sundin sa halip na punahin sila, hindi ba tayo nagiging instrumento ng paniniil? Kung pinagtatakpan natin ang kasalanan ng isa nating kapamilya dahil mahalaga sa atin ang reputasyon ng ating pangalan at angkan, hindi ba’t nagiging hadlang tayo sa pag-iral ng tunay na katarungan? Hindi ang mga karapatang pantao ang hadlang sa mas makatao at makatarungang lipunan.

Nakalulungkot na mababaw pa rin ang pag-unawa natin sa karapatang pantao, at para bang nawalan na ito ng halaga dahil sa mga patakaran at mismong pangungusap ng mga namumuno sa atin. Kaya hindi natin masisisi kung may mga hindi lubusang ikinatuwa ang pagkakapili sa Pilipinas na maging bahagi ng UNHRC.

Mga Kapanalig, anuman ang ating pagtingin sa pagiging bahagi natin ng UNHRC, nawa’y maging daan ang paghirang na ito upang maging tunay na seryoso ang ating pamahalaan na tugunan ang mga paglabag sa karapatang pantao ng lahat. Sabi nga ni Bishop Pablo “Ambo” David ng Diyosesis ng Kalookan, “Respect for human rights begins at home”; ang paggalang sa karapatang pantao ay dapat nagsisimula sa sarili nating tahanan.

Sumainyo ang katotohanan.