Blog - Rev. Fr. Anton CT Pascual Latest Blog

Resilience

Kapanalig, ang resilience ay napakahalaga sa ating panahon ngayon. Hindi lamang natural disasters ang mga banta sa ating buhay at kabuhayan ngayon, kundi pati ang mga sakit, tulad nitong COVID, na maaring makagambala muli sa ating buhay. Ayon sa mga psychologists, ang resilience ay ang proseso ng pag-aadapt sa  mga pagbabago, problema, trauma, trahedya, banta, o ano mang stress sa ating buhay. Ito ay ang kapasidad natin na makarecover o makabawi ng mabilis mula sa anumang paghihirap.

Marahil, marami sa atin ang magsasabi na madali lang naman ito; o wala namang choice kaya tuloy tuloy lang ang bahay. Kaya lamang kapanalig, ang pagtuloy ng buhay ay hindi nangangahulugan na nakabangon ka na o resilient ka na. Ang resilience ay hindi lamang pagtanggap sa mga masasamang pangyayari. Hindi lamang ito ukol sa pagbawi ng mga nawalang pag-aari.

Sa konteksto ng panlipunang kasulungan, ang resilience ay mahalagang building block sa pagtataguyod ng isang sustainable na komunidad. Kapag ang isang trahedya o disaster ay nangyari sa isang komunidad, hindi lagi agarang available ang gobyerno o mga humanitarian organizations. Dahil sa trahedya, maaring maraming balakid sa kanilang pagdating. Kaya’t napakahalaga na ang komunidad ay handa. Hindi maaring naghihintay na lamang tayo ng tulong o ayuda lagi. Ang goal dapat natin ay maging maayos ang ating “wellbeing.”

May isang pag-aaral ang World Bank na nakita ang malapit na ugnayan ng trahedya o disasters sa kahirapan ng bansa.  Nakita nito na ang ‘average annual wellbeing losses’ dahil sa mga disasters o trahedya ay umaabot ng US$3.9 billion per year, mas mahigit pa sa “asset losses natin na may halagang US$1.4 billion kada taon. Ang wellbeing losses, kapanalig, ay kinikwenta ang socio-economic resilience ng tao, gaya ng abilidad na mamintina ang konsumpsyon habang bumabangon sa trahedya, kakayahan mag-impok o manghiram upang makatayo muli, at ang tinatawag na “decreasing returns in consumption – pag mahirap ka, mas apektado ka sa kahit katiting na pagbawas ng konsumpsyon kumpara sa may kaya.

Mahalaga, kapanalig, na tutukan natin ang resilience, hindi lamang sa lebel ng mga indibidwal, kundi sa lebel ng pamayanan. Dapat din, pagdating sa resilience, hindi lamang ang mga nawalang assets o pag-aari ang tutukan, kailangan din bigyang atensyon ang wellbeing. Pag assets kasi ang usapan, kapanalig, ang mahirap wala niyan, kahit may trahedya o wala. Pag wellbeing ang tinutukan natin, naisasama natin sa recovery planning ang mas maraming maralita.

Ito ang isa sa mahahalagang leksyon ng mga trahedya. Sa pagbangon ng komunidad, may naiiwan lagi, kasi ang ating binibilang sa recovery planning ay ang mga nawalang assets at hindi ang wellbeing o kagalingan o abilidad ng mga tao. Disasters take away more than money, kapanalig. At kung hindi natin makikita ito, hindi tayo magiging resilient. Ang wellbeing ng tao ay dikit sa kanyang dignidad- at ayon nga sa Mater et Magistra, walang katarungan kung hindi natin makikita ang dignidad ng tao.

Sumainyo ang Katotohanan.