196 total views
Accountability at social responsibility ang panawagan ng Diocese of Balanga, Bataan sa mga kumpanya ng Coal Fired Power Plant sa kanilang lalawigan.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, dapat may Corporate Social Responsibility ang mga kumpanya ng planta, dahil sa pinsalang idinudulot nito sa kalikasan at sa mamamayan.
Dagdag pa ng Obispo, bagamat nakapagbibigay ng hanapbuhay ang pagbubukas ng mga planta, ay mahalagang magkaloob din ang mga Coal Plant Companies ng alternatibong trabaho na hindi nakasisira sa kalikasan.
“Dapat meron ding Social Corporate responsibility na naibibigay sa tao, ang aming alam ang naibibigay lang ay yung trabaho sa Coal Plant at yun lang taxes na binabayad sa Gobyerno,” bahagi ng pahayag ni Bp. Santos sa programang Barangay Simbayanan.
Iginiit pa ng Obispo, na dapat mayroong rehabilitation programs para sa kapaligiran, dahil aniya handa namang tumulong ang mamamayan ng Bataan upang mapanumbalik ang kaayusan sa kanilang kapaligiran.
“Maganda na kung saan meron silang binibigay at binabayad sa kalikasan merong rehabilitation at pagtutulungan, at ito ang dapat nilang bigyang pansin, kaya kami nananawagan ng accountability at responsibility mula sa kanila,” dagdag pa ni Bishop Santos.
Sa kasalukuyan mayroon nang limang iba’t ibang planta na nakatayo sa Bataan, ito ang Refinery Solid Fuel Fired Power Plant, San Miguel Global Power, Panasia Power Plant, GN Power Plant at Bataan Oil Refinery.
Iminungkahi naman ni Pope Francis, sa encyclical nitong Laudato Si ang pag-gamit sa renewable energy upang maibsan ang kakulangan sa kuryente, at mapalitan ang mga Coal Fired Power Plants na nakasasama sa kalikasan.
Read:
Likas na kagandahan ng Bataan, hindi matutumbasan ng kayamanan-Bishop Santos