Nagpaabot ang Radio Veritas pakikidalamhati sa pagpanaw ng isang dakilang heswita Rev. Fr Joaquin G Bernas.

Itinuturing ni Radio President Fr. Anton CT Pascual si Fr. Bernas huwaran sa pagsasaliksik ng katotohanan, katarungan at kabutihan ng lahat o common good.

Iginiit ni Fr. Pascual na ang simbahang katolika kasama na ang buong bayan ay nakinabang sa kanyang likas na talino sa pagpapaliwanag at pagtuturo ng batas.



Kinilala ng Pari ang pagpapahalaga ni Fr.Bernas sa politikang naglilingkod sa bayan at pagbabantay sa demokrasya at mga haligi nito sa isang malayang lipunan.

Hinimok ng Pari ang mga Filipino na ipanalangin sa Panginoon na tanggapin ang yumaong constitutional expert na maluwalhati sa kalangitan bunga ng kanyang wagas na paglilingkod sa simbahan at bayan.