500 Years of Christianity Countdown

Nanawagan ang pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene sa mga deboto ng Poong Hesus Nazareno na makiisa sa “localized traslacion 2021” sa halip na dumagsa sa Quiapo church.

Inihayag ni Rev.Fr. Danichi Hui, Parochial Vicar ng Basilica na ginawang localized ang Traslacion ngayong 2021 bilang pag-iingat sa banta ng corona virus.

Ayon kay Rev. Fr. Danichi Hui, Parochial Vicar ng basilica, humingi ng tulong ang Quiapo Church sa mga simbahan sa Metro Manila at maging sa iba’t-ibang lalawigan upang magsagawa ng nobenaryo at mga misa para sa kapistahan ng Mahal na Poong Hesus Nazareno.

“Localize celebration meaning sa mga provinces na pinagdalhan namin ng image ng Nazareno ay magsi-celebrate sila doon ng novena masses at fiesta mass. We also asked some parishes and diocese to celebrate novena,” pahayag ni Fr. Hui sa Archdiocese of Manila – Office of Communications.

Ibinahagi ng pari na kanilang hiniling sa mga lalawigan na may mas maluwag na panuntunan ng community quarantine ang pagsasagawa ng motorcade sa imahe ng Poong Nazareno.

“Bilang isang deboto ang hiling namin ay una sumunod sa mga minimum health protocols (new normal protocols) second, kung pupunta ng Quiapo, alamin muna ang mga entrances at exit points para di maabala,” dagdag pa ni Fr. Hui.

Panawagan naman nito sa mga deboto na may karamdaman na huwag nang pumunta sa simbahan sa halip ay antabayanan at subaybayan na lamang sa social media pages ng Quiapo church tulad ng Facebook, YouTube at Twitter upang makaiwas sa sakit.

Naniniwala ang basilica na sa pamamagitan ng localized traslacion ay mabawasan ang pagdagsa ng mga deboto sa Quiapo Church sa ikasiyam ng Enero lalo’t naitatala taun-taon ang mahigit sampung milyong indibidwal na nakikilahok sa Traslacion.

Ilan sa mga lugar na bibisitahin ng imahe ng Poong Nazareno sa National Capital region ang Hospicio de San Jose; Jan 1, San Lazaro Hospital; Jan 2, Manila Cathedral; Jan 3, Greenbelt Chapel; Jan 4, Manila City Hall; Jan 5, Bureau of Fire Prevention – QC; Jan 6, Manila Police District; and Jan 7, Brgy. 394.

Bukod sa mga parokya sa National Capital Region ay may mga lugar din na bibisitahin ang replica image sa Northern at Southern Luzon.

Pinaalalahanan din ng Quiapo Church ang mga deboto na kanselado ang tradisyunal na ‘pahalik’ sa halip ay gagawin ang ‘pagtanaw’ kung saan ang imahe ng Poong Nazareno ay nakahimpil sa canopy ng simbahan sa harap ng Plaza Miranda na matatanaw ng mga deboto.

Sinabi rin ni Msgr. Hernando Coronel, ang rector ng basilica na nakipag-ugnayan ito sa Santa Cruz Church at San Sebastian Church upang magsagawa ng Banal na Misa para sa kapistahan ng Poong Nazareno kasabay ng Quiapo Church upang mabawasan ang dami ng tao na tutungo sa basilica.

Pangunahan naman ni Archdiocese of Manila Apsotolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang misa sa araw ng kapistahan (January 9,2021)ganap na alas kuwatro ng umaga.

Ngayong araw ika-5 ng Enero 2021, pangungunahan ni Pasig Bishop Mylo Vergara ang novena mass habang sa Jan. 6, 2021 ay pangungunahan ni San Pablo Bishop Buenaventura Famadico ang novena mass.

Sa Jan. 7, 2021 si Imus Bishop Reynaldo Evangelista ang magno-novena mass at Jan. 8, 2021 ay Antipolo Auxiliary Bishop Nolly Buco ang mangunguna sa novena mass.