500 Years of Christianity Countdown

March 18, 2020, 3:15PM

Ibinahagi ng pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo church na nanatiling kanlungan ng mga walang matutuluyan ang simbahan sa kabila ng banta ng corona virus disease.

Ayon kay Reverend Father Douglas Badong, parochial vicar ng Basilica, patuloy na nililingap ng simbahan ng Mahal na Poong Hesus Nazareno ang higit nangangailangan sa lipunan lalo na ang mga nasa paligid nito.

“Nagiging shelter yung simbahan para sa mga walang matutuluyan lalo na sa gabi,” pahayag ni Fr. Badong sa Radio Veritas.

Sinabi ng Pari na matagal ng ginagawa ng lingapin ang mga nangangailangan ng pahinga partikular sa espiritwal na aspeto ng buhay.

Para mas maging ligtas, kinukuha ng pamunuan ng Basilica ang pangalan ng mga natutulog sa loob ng simbahan na tinatayang nasa 50 katao gabi-gabi at mahigpit ding ipinatutupad ang safety protocols batay sa payo ng Department of Health at sa panuntunang inilabas ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.

Bukod dito, may mga grupo na karamihan ay kasapi ng mga Hijos ang nagpapakain katuwang ang Quiapo Church sa mga taong nasa paligid ng Basilica gaya ng vendor.

Tiniyak ni Fr. Badong na bagamat may natutulog sa loob ng simbahan ay malinis ito para sa mga nagsisimba sapagkat inuuna ng pamunuan ang kaligtasang pangkalusugan ng publiko.

“Dini-disinfect yung kanilang hinihigaan para malinis talaga, bago pa man yung issue ng COVID 19, ngayon mas doble yung paglilinis na ginagawa,” ayon pa sa pari.

Sinabi pa ni Fr. Badong na sa pagitan ng alas otso at alas nuwebe nagsisipasok ang mga nais matulog sa simbahan at lalabas naman ito alas tres ng madaling araw bilang paghahanda sa mga banal na gawain.

Sa kasalukuyan, isinasara ang simbahan sa tuwing may Banal na Misa para sa facebook livestreaming ng Quiapo Church upang maiwasan ang pagtitipon ng maraming tao ngunit binigyang diin na nananatiling bukas ang Simbahan sa mga nais magdasal.

“Pwede pa rin kayo pumunta sa simbahan ng Quiapo para magdasal, mag istasyon ng krus, mag-rosaryo o di kaya’y mangumpisal handa kami na tanggapin kayo,” saad ni Fr. Badong.