Nagbabala ang pamunuan ng Radio Veritas 846 sa publiko laban sa mga indibidwal na umiikot at nag-aalok ng serbisyo kapalit ang pera gamit ang pangalan ng himpilan.

Ayon kay Fr. Roy Bellen, Vice President for Operations ng himpilan, dapat maingat ang mamamayan upang makaiwas sa panloloko at ugaliing tiyakin na lehetimo ang anumang transaksyong gagawin.

“Kami po sa Radyo Veritas ay nagbabala sa ating mga kapanalig tungkol sa mga masasamang loob na naglilibot ngayon at sa kasamaang palad ay ginagamit ang pangalan ng ating himpilan upang makapangloko at makakuha ng pera sa kapwa; Mag-ingat po kayo sa kanila,” pahayag ni Fr. Bellen.

Ang pahayag ng opisyal ay kasunod ng social media post ni Bea Jorda ng Quezon City kung saan nag-post ito ng larawan ng dalawang inidbidwal na umiikot sa kanilang lugar at nag-aalok ng healing service mula sa Radio Veritas. Sinabi ni Jorda na nakapagbigay ang kanilang pamilya ng dalawang libong piso habang isang nagngangalang Maricel Rosario Malate naman ang nakapag-abot ng isanlibong piso sa dalawang manloloko. Ikinalungkot ng pamunuan ng Radio Veritas na may mga taong nanamantala sa gitna ng krisis dulot ng coronavirus pandemic.

“Nakakalungkot na marinig at malaman na kahit sa panahon ng pandemya na maraming tao ang nahihirapan ay may mga taong nagsasamantala sa kanilang kapwa lalo na doon sa talagang nangangailangan ng tulong at pag galing,” dagdag pa ni Fr. Bellen.

Hiling ni Fr. Bellen sa publiko na agad ipagbigay alam sa himpilan o sa mga otoridad ang ganitong uri ng panloloko upang matigil ang masamang gawain.

“Mga Kapanalig, mangyaring ipagbibigay alam sa mga kinauukulan kung sila po ay inyong makilala upang mapigilan sa kanilang masamang gawain,” ani ng pari. Sa mga nais magpaabot ng kanilang intensyon para sa healing mass ng himpilan mangyaring tumawag sa 8925-7931 local 129 o magtext sa 0917-631-4589 at hanapin si Renee Jose para sa lehetimong transaksyon.