9,054 total views
Isuspinde ang proklamasyon ng mga kandidato sa National Level hanggat hindi napatutunayang walang naganap na pandaraya sa Commission on Elections at Smartmatic.
Ito ang panawagan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines National Secretariat for Social Action (NASSA)/Caritas Philippines sa sinasabing manipulasyon sa resulta ng eleksyon.
Ayon kay Fr. Edwin Gariguez – Executive Secretary ng komisyon, hindi nila tuwirang inaakusahan ang COMELEC at Smartmatic ng pandaraya dahil hanggad lamang nila na linawin at linisin ang bahid ng pagdududa ng taumbayan sa mahabang delay ng transmission of results.
“Ang aming kahilingan ay seryosohin yung allegation, actually hindi naman natin sinasabi direkta na may dayaan, merong allegations of fraud and manipulation so what we are requesting or demanding to do is to suspend the proclamation until these allegations have been validated or disproved.” pahayag ni Father Gariguez sa Radyo Veritas.
Iginiit ng Pari na mahalagang imbestigahan mismo ang COMELEC at Smartmatic na kinakailangang pangunahan ng isang independent body o ng citizen’s arm upang matiyak na magiging patas ito at mapalalabas ang katothanan.
“Ang hinihiling namin din concretely ay magbuo, para makita kung may validity itong allegations, ay gumawa ng independent at impartial investigation. Kaya lang ang problema dito ang iimbestigahan mo, ComElec at Smartmatic so hindi dapat ang ComElec ang mag iimbestiga kasi sya yung dapat subject ng investigation, ComElec at Smartmatic. It may be a citizen’s body, PPCRV or Namfrel pero dapat mayroong mag-imbestiga.”pahayag ni Father Gariguez
Matatandaang sa pagsisimula ng transmission ng mga data ng boto noong Lunes, ika-13 ng Mayo ay naantala ito ng halos pitong oras.
Nilinaw ni Dir. James Jimenez, spokesperson ng ComElec na walang naging problema sa transmission ng mga resulta mula sa mga Vote Counting Machines o VCM patungo sa ComElec Transparency Server.
Idinahilan ng COMELEC ang pagkaroon ng problema o “java error” sa pagpapasa ng mga data mula sa Transparency Server patungo sa media partners at maging sa PPCRV.
Sa kasalukuyan, nagsimula na ang partial official count ng Board of Canvassers habang nagpapatuloy naman ang unofficial parallel count ng PPCRV.