Pinag-aaralan ng Diocesan Youth Commission ng Diocese of Malolos kung paano maipagpapatuloy ang kanilang mga programa para sa mga kabataan sa kabila ng umiiral na pandemya.

Aminado si Rev. Fr. Jigs Garcia, Director ng komisyon na labis na naka-apekto ang pandemya sa kanilang mga nasimulan na programa kung saan aktibong nakikibahagi ang mga kabataan.

Isa na dito ang kanilang itinayong Cafe na mismong mga kabataan ang naglilingkod at nagpapatakbo ngunit napilitan silang pansamantalang isara dahil sa pandemya.

“nung nagkaroon ng pandemya nakakalungkot na isinara namin yun Cafe Lolek dahil siyempre nakakapangamba na baka pagmulan pa ng pagkalat ng virus yung lugar, tapos nangangamba din tayo para sa mga volunteers natin kaya naisara ang dalawang tindahan” pahayag ni Fr. Garcia sa programang Pondo ng Pinoy sa Caritas in Action.

Ang Cafe Lolek ay proyekto ng komisyon katuwang ang Pondo ng Pinoy kung saan ang kinikita mula dito ay inilalaan para sa pangangailangan ng mga kabataan sa Diocese ng Malolos.

ipinangalan ito kay Saint John Paul II at matatagpuan sa National Shrine of the Divine Mercy sa Marilao at sa Malolos Cathedral sa lalawigan ng Bulacan.

Tiniyak ni Fr. Garcia na bumubuo na sila ng plano para maipagpatuloy ang naipasarang Cafe sa paraan na hindi masasakripisyo ang kaligtasan at kalusugan ng mga kabataang naglilingkod dito.

“Pina-plano na namin paano gagawin iyan bagamat hindi namin alam kung kailan mag-papaalam din muna kami sa aming Obispo [Bishop Dennis Villarojo] pero nagkakasa na kami kung paano gagawin na pagbubukas muli ng Cafe Lolek.
“Alam natin na tayo ay pansamantala napipigilan dahil nag-mamalasakit tayo pero dadating din sa punto na yung mga kabataan natin kikilos at gaganap yan” Dagdag pa ni Fr. Garcia.

Inibahagi naman ni Bro. Angelo Caburnay isa sa mga Program Coordinator ng Komisyon na tinitignan nilang posibilidad ay ang pagkakaroon ng online delivery services ng mga produkto at paninda ng Cafe Lolek.

“Tinitignan po namin yung instead na pumunta sila ng store o-order na lang sila online tapos mag tap kami ng mga youth din na walang pinagkukunan at pwede mag deliver ng mga orders. Nag-iisip din kami ng iba pa na pwede makatulong na ma-sustain yung programa.” Pahayag ni Bro. Angelo.

Patuloy na umaasa si Fr. Garcia at Bro. Angelo na sa kabila ng mga hamon na dala ng kasalukuyang sitwasyon ay maipagpapatuloy ang mga nasimulan na nilang programa para sa mga kabataan ng Diocese of Malolos.

Magugunitang ilan sa mga programa ng Simbahang Katolika ang naantala at natigil dahil sa mga limitasyon dulot ng Covid19 pandemic.

Kamakailan ay inihayag ng Pamahalaan na target na mabigyan na din ng bakuna ang mga kabataang edad 12 hanggang 17 ngayong huling bahagi ng taong 2021 sa Pilipinas.

Rowel Garcia

By Rowel Garcia

Rowel Garcia Disaster Coordinator