Cultural

Pondo ng Pinoy founder, pinangunahan ang pagbubukas ng Segunda Mana sa Batangas

Nagpasalamat si Manila Archbishop Emeritus Cardinal Gaudencio Rosales, ang founder ng “Pondo ng Pinoy” sa mamamayan ng Tanauan Batangas sa pagtangkilik sa Segunda Mana sa lugar.

Ayon kay Cardinal Rosales, ang pagsuporta sa proyektong ito ng Simbahan ay isang positibong tugon ng mananampalataya sa adhikain na lingapin ang nangangailangan sa lipunan.

Binigyang diin ng nagtatag sa Pondo ng Pinoy na ang kinikita sa Segunda Mana ay napupunta sa mga kabataang tinutustusan o scholars ng Caritas Manila, ang social action arm ng Arkidiyosesis ng Maynila.

“Hindi ito negosyo [Segunda Mana] kundi isang gawain ng Simbahan, lahat po ng tinutubo dito ay para ipag-aral sa mga kabataang nangangailangan at kapos palad,” pahayag ni Cardinal Rosales sa Radio Veritas.

Dahil dito hinimok ng Kardinal ang bawat mananampalataya na patuloy ipadama sa mga dukha ang mapaglingap na puso at pagmamahal tulad ng mga halimbawang ipinakita ni Hesus sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga programa ng Simbahang Katolika na layuning iangat ang antas ng pamumuhay ng mamamayan.

Ika – 4 ng Hulyo ay pormal na binuksan ang ika – 34 na Segunda Mana Charity Outlet sa Victory Mall and Market Tanauan Batangas kung saan pinangunahan ni Cardinal Rosales ang pagbabasbas at ribbon cutting katuwang si Bise Alkalde Junjun Trinidad at mga kinatawan ng Victory Malls.

Tiniyak naman ni Vice Mayor Trinidad ang buong suporta ng lokal na pamahalaan ng Tanauan sa Segunda Mana at sa adhikain nitong tulungang makapag-aral ang mga kabataan sa pamamagitan ng itinayong Tanauan City College kung saan libreng makapag-aral.

“Ang college naman namin (TCC) ay para sa mga Tanaueños at ito talaga ay libre, at noong June we had first batch of graduate na around 200. Ako’y natutuwa na right after sa blessing at ribbon cutting, yung ating mga residente ay interesado at bumibili sa Segunda Mana, isa itong welcome development,” mensahe ni Vice Mayor Trinidad sa Radio Veritas.

Mabibili sa Segunda Mana Charity Outlet ang mga pre-loved items tulad ng bag, damit, sapatos at iba na donasyon mula sa mga personalidad, koporasyon at establisimiyento.

Bukod sa Segunda Mana, nakalikom din ng halos siyam na milyong piso ang Youth Servant Leadership and Education Program ng Caritas Manila at Radio Veritas para idagdag sa pondo na pantustos sa pag-aaral ng 5, 000 scholar ng Caritas Manila.

Sa school year 2018-2019 umabot sa 1, 061 ang nagsipagtapos na scholar, 11 dito ay mga Muslim sa lalawigan ng Basilan.

Iginiit ni Cardinal Rosales na walang pinipili ang Caritas Manila YSLEP sa pagtulong kahit na iba ang pananampalataya basta’t makikitaan ng kasipagan at sigasig sa pag-aaral ay handang tulungan.