Pinaniniwalaang gamot sa COVID-19 mula Zambales, ipinatitigil sa paggamit ng FDA - Veritas846
500 Years of Christianity CountdownCountdown

Pansamantalang ipinatigil ng Food and Drugs Administration (FDA) tatlong araw na nakalipas, ang paggamit ng isang gamot mula sa San Marcelino, Zambales na sinasabing makakalunas sa COVID-19 o corona virus disease.

Ang F-D-A ay ang (authority) o ahensiya ng pamahalaan sa Pilipinas at sa buong mundo na nagbibigay ng lisensiya sa lahat at anumang uri ng gamut bago mabibili sa iba’t-ibang drugstores.

Ang kontrobersiyal na gamut ay isang “anti-viral injection” na gawa ng isang doktor na si Ruben Garcia Fabunan, M,D. na pinaniniwalaang nakagagaling ng mga pasyenteng nagpositibo sa COVID-19.

Ipinahinto ng F-D-A ang paggamit ng anti-viral injection upang kanilang masusing pag-aralan at suriin kung tunay ngang gamut ito sa mapaminsalang COVID-19 na ikinamatay na ng 182-katao sa Pilipinas.

Sa panayam ng Radyo Veritas kay Willie Espiritu, ang tagapagsalita ng Fabunan Family of Doctors sa Zambales, ang naturang gamot na tinatawag nilang Fabunan Anti-viral Injection o FAI ay mahigit 30 taon nang ginagamit upang magpagaling ng mga sakit tulad ng Dengue, HIV/AIDS, Chikungunya, kagat ng aso at ahas.

“Sabi ng Food and Drugs [Administrator] ihinto muna ang paggamit at pag-usapan so ‘yun ang hinihintay natin sa ngayon. Ang problema maraming tao ang gustong makaiwas sa pagkakaroon ng COVID-19 kaya lang hinaharang nila.” ayon kay Espiritu.

Matatagpuan ang klinika ni Dr. Willie Fabunan sa San Marcelino, Zambales na patuloy na tumatanggap ng mga pasyente.

GAMOT SA COVID-19?

Ayon pa rin kay Espiritu, ang FAI ay epektibo ring gamot laban sa lumalaganap ngayon na sakit na COVID-19.

Isang pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 ang hinihinalang gumaling matapos gumamit ng FAI.

“Galing ‘yung [pasyente] sa malaking ospital sa San Juan, positive siya sa COVID-19. Ang ginawa niya, lumabas siya muna kasi PUI pa lang siya at binigyan siya ng medication. Hindi kinakaya ng katawan niya kaya binabaan ni Dok Willie [pero] hindi pa rin tumalab. Napilitan si Dok willie na bigyan siya ng anti-viral, nung nabigyan na siya, doon siya gumaling at na-clear sa COVID-19.” pahayag ni Espiritu sa Radyo Veritas.

Ayon pa kay Espiritu, maging ang mga pulis at sundalo sa Zambales at mga karatig lungsod ay bumibisita sa Fabunan Medical Clinic upang tumanggap ng anti-viral injection.

Mariin ring pinanindigan ni Espiritu na epektibo ang gamot upang labanan ang COVID-19.

“1000% kaming positibo na nakakagaling [ito], kaya ang sinasabi namin, ang mga PUI at PUM ay mabigyan na para huwag na natin hintayin na magpositibo sila.” dagdag pa ni Espiritu.

Maging si Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr., ang nagsasabing epektibo ang nasabing anti-viral injection na panlaban sa COVID-19.

Ayon kay Bishop Bacani, dapat subukan ng pamahalaan at DOH ang anti-viral injection sa mga COVID-19 patient upang malaman kung epektibo o hindi.

HINDI APRUBADO

Inamin naman ni Espiritu na nananatiling hindi aprubado ang gamot ng F-D-A at Department of Health (DOH) kahit matagal na ring nakabinbin ang kanilang aplikasyon.

Tinitignang dahilan ng mga Fabunan sa pagkaantala ng aplikasyon ang petisyon ng isang lokal na grupo mula sa Olongapo sa DOH na pag-aralan din ang kanilang anti-viral drug na tinatawag na Prodex-B na parehas lang na anti-viral injection.

Sa kasalukuyang pag-aaral, wala pang partikular na gamot para sa COVID-19 at walang bakuna para maiwasan ito, ngunit marami sa mga sintomas ng sakit ang maaaring malunasan.