politics

Piliin ang mga kandidatong may katangian ni Jesus – PPCRV

ppcrv1-620x264

Nanawagan ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa mga botante napilin ang mga kandidatong mayroong katangian tulad ng sa Panginoon.

 

Paliwanag ni PPCRV Chairperson Henrietta De Villa, ngayong panahon ng Adbiyento ay nararapat na mas maging masusi sa pagpili ang mga botante lalo’t nakasalalay sa 2016 National at Local Elections ang kinabukasan ng bansa para sa susunod na anim na taon.

 

Dagdag ni De Villa, tulad ni Hesus dapat taglayin ng mga kandidatong nagnanais mamuno sa bansa ang pagiging makatarungan, buong pusong paglilingkod sa mga nasasakupan, pagiging tapat at higit sa lahat ang pagbibigay prayoridad sa kabutihan ng bayan sa halip na pangsariling interes lamang.

 

“Lalo na ay Adbiyento ngayon pag-isipan ng mga botante maigi kung sino ba yung mga kandidato na pinakamalapit sa mga katangian ng ating Panginoong si Hesukristo ano, yung may katarungan, mayroong paglilingkod ng wagas, hindi sarili ang iniisip, hindi nagpapayaman ng pera para sa sariling kapakanan, kundi ang iniisip yung pangkalahatang kabutihan ng tao at saka yung hindi nagnanakaw ika nga ni Cardinal Tagle nuh…”Ang bahagi ng pahayag ni De Villa sa panayam sa Radio Veritas.

 

Giit ni De Villa, nararapat na maging mapanuri sa katangian ng bawat kandidato ang mga botante upang matalinong maihalal ang mga karapat-dapat na lider para sa ating bayan.

 

Aniya, walang ibang pinaka-akmang pagbatayan ang bawat botante sa katangiang nararapat taglayin ng isang mabuting lider kundi tanging ang Panginoon lamang.

 

“isipin nating maige na yung kandidatong pipiliin natin hindi magnanakaw at hindi sinungaling at saka hindi ba yung minamaliit ang halaga ng buhay kailangan pinapahalagahan ang buhay dahil ito ay biyaya sa atin Panginoon ano, kailangan ganun at isa pa kailangang siya ay tingnan natin na kamukha ni Hesukristo, maiaakyat natin bilang uliran, uliran sa pamumuhay, sa pananalita na hindi siya bastos at saka hindi siya ang buhay niya ay hindi ikakahiya natin na ipakita sa mundo na ito ang ating pinuno maayos ang buhay saka hindi nagkakasala sa kapwa..” dagdag pa ni De Villa.

 

Sa kasalukuyan, patuloy ang pag-iikot ng PPCRV sa may 86 na Diyosesis sa buong bansa upang ipalaganap ang One Good Vote Campaign na layuning labanan ang kultura ng bentahan at pagbibili ng boto para sa isang malinis, tapat at maka-Diyos na halalan.

 

Samantala, sa tala ng Commission on Elections, tinatayang umabot sa higit 54.6 na milyon ang rehistradong botante na nakapagpatala para sa nakatakdang eleksyon sa susunod na taon, bukod pa sa 1.3 milyong Overseas absentee voters.
Kaugnay nga nito, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan ukol sa politika ang seryoso at kawalan ng sariling interes ng bawat kandidato sa posisyon at kapangyarihan upang tunay na mapaglingkuran ang taumbayan ng tapat at dalisay.

Sharing is caring
  •  
  •  
  •  
  •  
  •