Huwag basta-bastang magtitiwala sa mga gamot kapag hindi inire-reseta ng doktor.

Ito ang payo ni Jesuit Priest Fr. Marlito Ocon, head chaplain ng Philippine General Hospital hinggil sa paggamit ng Ivermectin na gamot para sa mga hayop at sinasabing epektibong lunas laban sa coronavirus disease.

Ayon kay Fr. Ocon, sa ngayon ay hindi pa aprubado ng Food and Drug Administration ang nasabing gamot kaya hindi pa matiyak ang talagang naidudulot na bisa nito sa katawan ng tao lalo na sa mga nahawaan ng COVID-19.

“Huwag na lang tayong gumamit kung hindi binibigay ng doktor. Kung mayroong mang binibigay ang doktor sa ngayon, hindi pa iyan aprubado ng ating FDA na pwedeng gamitin sa tao dahil ayon sa kanila ay ginagamit yan sa mga hayop,” bahagi ng pahayag ni Fr. Ocon sa panayam ng Radio Veritas.

Paalala naman ng pari na sakaling i-reseta ng eksperto ay tiyakin muna kung mayroong kondisyon na kailangang gawin o kung ito’y bahagi ng clinical trial bilang pagsusuri upang malaman ang epekto nito sa katawan ng tao.

Paliwanag pa ni Fr. Ocon na ang clinical trial ay nakakatulong upang malikha ng mga siyentipiko ang gamot na maaaring maging lunas sa nakakahawa at nakamamatay na sakit.

“Kung ibinibigay man siya ngayon, sana hindi rin tayo basta-basta tumatanggap na kung sino-sino lang ang nagbibigay. Kundi itanong pa rin sa ating mga doktor para sigurado tayo na kung gagamitin natin, at least mayroon man lang tayong kasulatan na ginamit ito bilang part sa trial at naging bahagi rin tayo sa pag-aaral,” paalala ng pari.

Samantala, pinahintulutan na ng FDA ang “compassionate use permit” para sa nasabing anti-parasitic drug.

Ang compassionate use permit ay pinapahintulutan lamang ang legal na pangangasiwa ng gamot sa bansa ngunit hindi suportado ng FDA ang kaligtasan at pagiging epektibo nito.

Karamihan sa mga mambabatas at ibang doktor sa bansa ay hinihikayat ang paggamit ng Ivermectin sa mga pasyente na mayroong COVID-19.

Ngunit, patuloy namang ipinapaalala ng ahensya na dapat muna itong irehistro bago ito tuluyang ipagamit at ireseta sa mga tao.

Batay sa pahayag at pagsusuri ng Merck, ang pharmaceutical company na lumikha ng Ivermectin, na wala itong siyentipikong batayan upang sabihing mabisa ang nasabing gamot bilang lunas sa COVID-19.

Naniniwala rin ang Department of Health na kailangan pa itong isailalim sa masusing pag-aaral upang matiyak na ito’y ligtas na gamitin at epektibong panlaban sa nakahahawang sakit.

Nauna nang sinabi ni CBCP-Health Care Ministry Vice Chairman at Military Bishop Oscar Jaime Florencio na mas makabubuting paigtingin muna ng pamahalaan ang pagbabakuna laban sa COVID-19 habang patuloy na pinag-aaralan ang nilalaman ng Ivermectin.