Cultural

Patuluyin si Hesus sa ating buhay, panawagan ni Cardinal Tagle

Hinimok ni Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle ang mananampalataya na piliin at tanggapin si Hesus sa buhay ng bawat isa.

Sa pagninilay ng arsobispo sa taunang pagtitipon sa Missionaries of Charity sa Tayuman Manila, hinamon nito ang mananampalataya na isabuhay ang diwa ni Hesus, ang sentro ng pagdiriwang ng Pasko ng Kapanganakan.

“Piliin natin Siya [Hesus] at tanggapin; ‘Yan ang Pasko, ang Diyos kapiling natin kahit tinanggihan siya ng mga tao,” bahagi ng pagninilay ni Kardinal Tagle.

Paliwanag ng incoming Prefect for the Congregation of the Evangelization for People, maaring iwanan ang tao ng kanyang pamilya, kaibigan o mawawala ang kayamanan, at iba pang materyal na mga bagay subalit iisa lamang ang natitiyak na ang Diyos ay mananatili sa bawat indibidwal.

Hinikayat ni Cardinal Tagle ang halos isanlibong dumalo sa Banal na Misa na ibahagi si Hesus sa pamayanan sa pamamagitan ng pakikipagkapwa tao at paglingap sa mga higit nangangailangan sa lipunan.

Aniya, ang pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ay sumasagisag ng pananahan ng Diyos sa tao kaya’t mahalagang isabuhay ito araw-araw upang higit na mapag-alab at maramdaman ang tunay na diwa ng Pasko.

“Ang Pasko ay pasimula ng walang hanggang pagsasapiling ng Diyos sa atin; Kung si Hesus ay kapiling natin yun din ang ipakita at ipadama natin sa kapwa,” ayon sa Kardinal.

Ang Missionaries of Charity ay taunang namamahagi ng mga pamaskong handog sa mga kapus-palad partikular ang mga walang tahanan na palaboy-laboy sa mga lansangan, mga batang may karamdaman, at mga inaabandonang indibidwal.
Katuwang ng mga madre ang iba’t ibang grupo at organisasyon na nagkakawanggawa para sa mga dukha sa lipunan bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Pasko.