Cultural

Patuloy na pagsusulong ng kapayapaan ng Mindanao, tiniyak ni Cardinal Quevedo

Tiniyak ni Cotabato Archbishop-Emeritus Orlando Cardinal Quevedo ang patuloy na pagsuporta sa mga programa ng Arkidiyosesis na ngayon ay nasa pamumuno na ni Archbishop-elect Angelito Lampon.

Ayon kay Cardinal Quevedo partikular na dito ang pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon ng Mindano.

“I’m preaching my continuing support for the peace process between the Government and Bangsamoro in Cotabato and continue my work in Interreligious dialouge in Cotabato as well as other parts in Mindanao,” bahagi ng pahayag ni Cardinal Quevedo sa Radio Veritas.

Ang pahayag ng Arsobispo ay kasunod ng anunsyo ng Vatican noong ika-6 ng Nobyembre na pagtanggap ng Kaniyang Kabanalan Francisco sa pagbibitiw ni Cardinal Quevedo bilang pinunong pastol ng Arkidiyosesis ng Cotabato.

Paliwanag ni Cardinal Quevedo na mananatili itong Cardinal ng Cotabato maging sa ibang mga lugar at nakahandang tumulong sa nangangailangan ng tulong tulad ng pagbibigay ng mga seminar.

“I remain as Cardinal, and if called upon and if my time is available I will surely say yes in any request for assistance. I will be available as Cardinal but no longer as Archbishop of Cotabato,” dagdag ng Arsobispo.

Taong 2014 nang isinumite ng Arsobispo ang kaniyang resignation letter sa Vatican matapos maabot ang Canonical Retirement age na 75-taong gulang ngunit sa halip na tanggapin ng Santo Papa, itinalaga pa ito bilang Cardinal kaya’t napalawig ang pananatiling Arsobispo ng Cotabato.

Si Cardinal Quevedo ang ikawalong Cardinal sa Pilipinas, at ang kauna-unahang Cardinal sa Mindanao.

Sa 20 taong paninilbihan Cotabato napanatili ni Cardinal Quevedo ang katatagan ng mga mananampalataya sa pamamagitan ng pagsusulong ng kapayapaan sa pagitan ng mga Kristiyano at Muslim.

Ang Arkidiyosesis ng Cotabato ay binubuo ng 87 mga paring Religious at Diocesan habang higit 100 mga madre na katuwang sa pagpapalaganap ng misyon ng Simbahan sa Mindanao.

Archbishop-elect Lampon

Ikinatuwa naman ni Cardinal Quevedo ang pagkakatalaga kay Jolo, Sulu Bishop Angelito Lampon bilang kahaliling Arsobispo dahil bukod sa tubong Cotabato ang Obispo, kilala rin itong nagsusulong at nagtataguyod ng kapayapaan sa mga komunidad lalo na sa bahagi ng Mindanao.

“I believe that the Holy Father has made a very good choice in selecting Archbishop-elect Angelito Lampon to be the new leader of the Archdiocese,” ani ni Cardinal Quevedo.

Read: ‘This is my Journey of Faith’- Cotabato Archbishop-elect Lampon

Taong 2011 hanggang 2017 nang pamunuan ni Bishop Lampon ang Commission on Interreligious Dialogue ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na sa kasalukuyan ay pinamunuan naman ang Commission on Ecumenical Affairs.

Nakatakda ang pormal na pagtatalaga kay Bishop Lampon bilang Arsobispo ng Cotabato sa ika-31 ng Enero 2019 pagkatapos ng CBCP Plenary Assembly.