Latest Newspolitics

Patuloy na ipanalangin ang Kapayapaan

Hiniling ni Military Ordinariate Bishop Oscar Jaime Florencio sa mananampalataya na patuloy na ipanalangin ang pag-iral ng kapayapaan sa buong mundo.

Ang mensahe ng obispo ay kaugnay sa iringan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.

Dalangin ni Bishop Florencio ang pangingibabaw ng katotohanan at katarungan tungo sa kaayusan ng bawat bansa.

“I encourage everyone to pray that the good plans will prevail,” pahayag ni Bishop Florencio sa Radio Veritas.

Una na ring ipinag-utos ng pamahalaan ng Pilipinas ang pagpauwi ng mahigit 3, 000 Overseas Filipino Workers (OFW) sa Iran at Iraq na maaring maipit kung titindi ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Makalipas ang halos isang linggo ay binawi ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mandatory repatriation dahil sa bahagyang humupa ang tensyon ng Iran at Amerika sa kabila ng pagpasabog sa dalawang US military base sa Tehran Iraq.

Nanatiling nakaalerto ang mga otoridad at maging ang pamahalaan upang maiwasang madamay ang mga Filipino sa kaguluhan.

Umaasa naman si Bishop Florencio na nakahanda ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas na tumugon sa pangangailangan ng mga Filipino sa Gitnang Silangan kung kinakailangan.

“Troop commanders and troops should already have some strategical plans for any eventuality,” ayon kay Bishop Florencio.

Babala rin nito sa mga otoridad na maging mapagbantay sa paligid lalu’t posibleng gamiting pagkakataon ang hidwaan ng dalawang bansa ng iba pang teroristang grupo upang makapaghasik ng karahasan sa lipunan.

Una nang ipinanalangin ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang kapayapaan sa buong mundo lalo na sa Gitnang Silangan.