Environment Latest News

Pasig River Expressway, tinututulan ng UAPSA

Michael Añonuevo

ByMichael Añonuevo

Oct 14, 2021

Mariing tinututulan ng United Architects of the Philippines Student Auxiliary (UAPSA) ang binabalak na pagtatayo ng Pasig River Expressway sa kahabaan ng Pasig river.

Ayon sa pahayag ng UAPSA, ang pagtatayo ng mga kalsada tulad ng PAREX na dinisenyo para lamang sa mga sasakyan ay maituturing na lumalabag sa karapatan ng mga mahihirap.

Naninindigan ang UAPSA na makikinabang lamang sa P95-bilyong halaga ng proyektong ito ay ang mga Filipinong mayroong katamtaman hanggang sa mataas na uri ng pamumuhay.

“Building more roads is not the answer to the existing problem of the traffic congestion in the Greater Manila Area, and will only make it worse,” bahagi ng pahayag ng UAPSA.
Samantala, panawagan naman ng grupo sa pamahalaan na ihinto at bawiin ang binabalak na proyekto, at sa halip ay mas bigyang-pansin ang kapakanan ng mga mahihirap at ng kalikasan.
Dahil dito, iminumungkahi ng UAPSA na imbes na magtayo ng mga panibagong kalsada, mas makabubuting paglaanan na lamang ng pondo ang pagtatayo ng mga bicycle at walk lanes na bukod sa makakatulong sa kalusugan ng katawan, ay mababawasan din ang malilikhang polusyon sa kalikasan.

“As an organization that advocates for sustainable and responsible design, UAPSA amplifies the demand of Filipinos to prioritize investment for transport projects that move people and not cars,” ayon sa grupo.

Taong 1990 nang maideklarang “biologically dead” ang Ilog Pasig na nagbunsod upang simulan ang Pasig River Rehabilitation Program upang muling malinis at maibalik ang sigla ng ilog.

Dahil naman sa patuloy na pagsasaayos at pagpapanatili sa Ilog Pasig, nagawaran ito ng Asia River Prize noong 2018.

Inihayag naman ni Pope Francis sa kanyang Laudato Si na tungkulin ng pamahalaan na paigtingin ang pagpapatupad sa mga batas na nangangalaga sa kalikasan at sa mahihirap nitong mamamayan na lubos na naaapektuhan ng pagkasira ng kapaligiran.