Cultural

Paring sangkot sa sexual abuse, nahaharap sa Canon at civil law

Iginagalang ng Simbahang Katolika ang batas hindi lamang ng simbahan kundi ang civil law o batas na umiiral sa lipunan na sumasaklaw sa lahat ng mamamayan na mapapatunayang nagkasala sa batas.

Ito ang binigyan diin ng Canon lawyer na si Father Getty Ferrer ng Diocese ng San Jose Nueva, Ecija kaugnay sa pagkondena ng Santo Papa Francisco sa sexual abuse na nag-uugnay sa mga pari ng Simbahan.

“Ang Simbahan po natin ay isang society at bilang isang society mayroon po tayong sariling batas sa loob ng simbahan. Pero ganoon pa man dahil tayo, ang katoliko ay tao rin at ang isang katoliko sabihin na nating naninirahan sa Pilipinas. Ang isang pari na katoliko at the same time Pilipino ay liable sa canon law at the same time sa civil law ng bansang Pilipinas,” pahayag ni Father Ferrer sa panayam ng programang Veritas Pilipinas.

Ipinaliwanag ni Father Ferrer na ang paglilitis sa simbahan ay sa pamamagitan ng isang ‘tribunal’ na pinangangasiwaan ng Obispo ng nakakasakop na diocese o isang kinatawan na itatalaga ng Obispo na eksperto sa batas ng Simbahan.

Nakikiisa po tayo sa Santo Papa sa pagkundena, hindi po natin gusto iyon, hindi po gusto ng simbahan at hindi po itatago ng simbahan iyon anuman po ang kasalanan ng mga kaparian lalo na po sa mga ‘minors’ pananagutin po ng simbahan. Kahit po malungkot, kahit po masakit, kahit po nakakahiya ay haharapin po talaga ng simbahan,” pahayag ni Father Ferrer.

Binigyan diin ni Father Ferrer sa bagong batas na inilabas ni Pope Francis ay mananagot din ang mga Obispo na mapapatunayang pinagtakpan ang isang pari na isinangkot sa pang-aabuso kasama na dito ang pagtatanggal sa kanya sa posisyon.

“Noong 2016 mayroon po siyang isinabatas na ang tawag ay ‘Come una madre amorevole’ ibig sabihin sa Ingles ay ‘like a loving mother’. Ang isang inang mapagmahal, ganoon tinitignan ni Pope Francis ang simbahan isang Inang mapagmahal. Sinasabi po niya doon sa ‘come una madre amorevole’ bilang isang motu propio pagka ang isang pari ay nakapanakit ng bata sa kasalanang sekwal sa ika-anim na utos ng Diyos at pinagtakpan ng Obispo o kaya ay inilipat lamang, yung Obispo po ay mananagot sa simbahan. Maaari po siyang matanggal sa puwesto,” paliwanag ng pari.

Nanawagan din ng pari sa lahat ng mananamapalataya na maturuan ang mga kabataan ng mga senyales nang posibleng mga pang-aabuso at ang pagkakaroon ng bukas na komunikasyon sa pagitan ng kanilang mga anak.

Hinimok ni Father Ferrer ang lahat ng biktima na i-ulat sa Obispo at kinauukulan ang pang-aabuso para sa karampatang pagtugon ng Simbahan hindi lamang sa akusado at biktima kundi maging sa pamilya ng inabuso.

Sa bahagi naman ng Simbahan, sinabi ng pari na mahalagang magsimula sa matatag na paghuhubog sa mga Seminaryo sa mga nais na magpari upang maiwasan ang mga pang-aabuso.

Naunang tiniyak ni Balanga Bishop Ruperto Santos, chairman ng CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People na walang cover-up na mangyayari sa mga kaso ng sexual abuse ng mga Pari.

Read more: Walang cover-up