500 Years of Christianity Countdown

April 30, 2020, 9:52AM

Nanawagan ang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines O C-B-C-P sa mamamayan na malugod tanggapin ang mga umuuwing Overseas Filipino Workers na apektado rin ng kasalukuyang krisis na dulot ng pandemya.

Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, Vice Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, nais lamang ng mga O-F-W ang pang-unawa mula sa kapwa Filipino sapagkat pare-pareho ang karanasan na pinagdadaanan.

“Let us welcome our OFW’s; let them come home. What they are asking is just our acceptance, not discrimination as COVID 19 suspects; our understanding and not to shun them away,” pahayag ni Bishop Santos.

Binigyang diin ng Obispo na bagamat kapwa biktima ang lahat ng mamamayan sa mundo dapat pairalin pa rin ang pagtutulungan at paggawa ng kabutihan sa kapwa.

Inihayag ni Bishop Santos na malaki ang ambag ng mahigit sampung milyong O-F-Ws sa ibat-ibang bahagi ng daigdig sa ekonomiya ng bansa lalo na ngayong nakaranas ng pinansyal na krisis ang buong mundo dulot ng pandemic COVID 19.

Naniniwala ang opisyal ng CBCP – ECMI na mas iigting pa ang pagiging hospitable ng mga Filipino lalu na sa mga kababayang O-F-W.

“Filipinos are known for being hospitable poeple, should we not be more hospitable to them? They are our fellow Filipinos; so let’s welcome them whehn they come home to their respective province, city or town,” dagdag ni Bishop Santos.

Matatandaang maraming O-F-W ang nakaranas ng diskriminasyon sa pagbalik sa bansa dahil sa takot ng maraming mamamayan na maaring magdala ng virus ang mga ito.

Iginiit ni Bishop Santos na napapanahon nang bigyang pahalaga ang mga migranteng manggagawa lalo na’t higit itong apektado sa pandaigdigang krisis.

“It is much fitting to honor, and pay homage to them especially now that they are bruised and battered from the bad global economy. Together we can rise up and build one another,” ayon sa obispo.