Cultural

Papal Nuncio, makikiisa sa One Million Children Praying the Rosary

Makikiisa si Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Giordano Caccia sa isasagawang kampanya na One Million Children Praying the Rosary sa ika-25 ng Oktubre, sa Don Bosco Technical Institute, Makati.

Binigyang diin ni Archbishop Caccia ang kahalagahan ng pananalangin lalo na ng mga bata, dahil ang pagiging inosente ng mga ito ang nagpapadalisay sa intensyon ng kanilang pananalangin sa Panginoon.

Iginiit ng Papal Nuncio na dahil dito ay madaling naitataas sa Diyos ang mga kahilingan at intensyon lalo na kung ang pananalangin ay mula sa puso ng mga kabataang nagdarasal ng Santo Rosaryo.

“Prayer is very important, the children who are so close to God because they are innocent, when they pray God will exalt their prayer and send good laborers in His vineyard.” Pahayag ni Abp. Caccia sa Radyo Veritas.

2005 nang magsimula ang One Million Children Praying the Rosary Campaign sa Caracas, kapitolyo ng Venezuela.

Noong nakaraang taon, 80 mga bansa ang nakiisa dito, habang 60 mga Diyosesis naman ang nakilahok sa Pilipinas.

Ngayong taon, kaisa ng mga batang Pilipino na mananalangin ang mga kabataan mula sa Syria, Nigeria, Burkina Faso at Mozambique.