500 Years of Christianity Countdown

June 12, 2020-5:18pm

Hindi na dapat pang maulit ang kasaysayan nang paniniil ng kalayaan ng mga Filipino.

Ito ang nagkakaisang pahayag ng mga Pari mula sa Bikaryato ng San Pedro at San Pablo Apostol ng sa Arkidiyosesis ng Maynila bilang pagsang-ayon sa iba’t ibang grupo at indibidwal na tumututol sa pagsasabatas ng Anti-terror bill.

“Mula sa ating kasaysayan makikita ang mga paglabag sa pagpapatupad ng mga batas nang mga nasa katungkulan. Ating suriin ang mga pangyayari sa ating nakaraan upang makita ang mga nasabing paglabag. Sapagkat ang demokrasya ay nangangailangan ng kamalayan,” ayon sa inilabas na pahayag na may petsang ika-9 ng Hunyo.

Ang bikaryato ay binubuo ng 17 kura paroko ng nasasakop na simbahan na pinamumunuan ni Msgr. Gerardo Santos-vicariate representative at parish Priest ng Sts. Peter and Paul.

Ayon pa sa pahayag ng mga pari, hindi napapanahon ang pagpasa ng batas lalu’t may mas higit na suliranin na kinakaharap ang bansa sa krisis na dulot ng pandemic novel coronavirus.

Ilan pa sa mga kadahilanan ng pagtutol ang hindi malinaw na probisyon na kinakailangan pa ng paglilinaw dahil sa maaring magamit sa pagmamalabis sa karapatang pantao.

Panawagan din ng mga pari sa pamahalaan na pakinggan ang panawagan ng publiko.

“Aming ipinagdarasal at ipinararating sa pamahalaan na bigyang tuon ang tumitinding panawagan ng publiko na huwag pahintulutang isuong ang bill na ito at nawa’y makagawa ng batas na tunay na magbibigay proteksyon at hindi ang paglala ng terorismo sa ating lipunan.”

Una na ring naglabas ng pahayag ang ilang institusyon at samahan ng simbahang Katolika sa pagtutol sa Anti-terror bill na una na ring pumasa sa kongreso at sinertipikahang urgent ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Kabilang dito ang Association of Major Religious Superiors of the Philippines, Catholic Educational Association of the Philippines, Church’s Workers Solidarity, Caritas Philippines at ilang Obispo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines kabilang na si Manila Apostolic Bishop Broderick Pabillo.