politics

Pangulong Duterte, Inihalintulad sa isang ulila

Inihalintulad ng pinuno ng Caritas Manila, ang Social Arm ng Archdiocese of Manila si Pangulong Rodrigo Duterte sa isang orphan o ulila.

Ito ang pagsasalarawan ni Caritas Manila Executive Director Father Anton CT Pascual kay Pangulong Duterte sa patuloy nitong patutsada sa Simbahang Katolika at paglapastangan sa Panginoon.

Inihayag ng Pari na bunsod ng pagiging ulila, pagdanas ng kawalang pansin at kawalan ng pagmamahal ay walang nasusumpungan ang pangulong Duterte na dahilan ng kanyang galit at paghihiganti sa Simbahang Katolika.

Nilinaw ng pari na ang Simbahan ay pamayanan na binubuo ng mga sumasampalataya sa Panginoon.

“Without a church, a believer is really an orphan.” pahayag ni Father Pascual sa Radio Veritas

Ipinaalala ni Father Pascual na ang relihiyon ay paraan ng pakikipagkaisa sa Panginoon.

“Du30 says he believes in God but not in religion. Religion came from (religare) which means a way of relating/relationship. Religion is a way or means of relationship with God.” mensahe ng Executive Director ng Caritas Manila

Iginiit ni Father Anton na napakahalaga sa isang mananampalataya ang pagkakaroon ng maalab na relasyon sa Diyos na wala sa katauhan sa kasalukuyan ng pangulong Duterte.

Ayon kay Father Pascual, ang Simbahan ay kabilang sa pamilya ng Panginoon.

“In the end what matters is relationship. The church is to belong to God’s family.” paglilinaw ng Pari

Kaugnay nito, nananawagan si Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa mananampalataya na ipagdasal ang kagalingan ng Pangulong Duterte.

Umani ng batikos ang pagtawag ng pangulong Duterte sa Panginoon na stupid kung saan binansagan siyang “Evil” o masamang tao ni Senador Antonio Trillanes IV.