Cultural

Pangulo ng CBCP, labis ang pag-alala sa kaligtasan ng taga-Mindanao

Labis ang pag-alala ng pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa mga biktima ng panibagong 6.5 magnitude na lindol na yumanig sa Mindanao nitong ika – 31 ng Oktubre.

Higit na ipinanalangin ni Davao Archbishop Romulo Valles ang mga taong pinangangambahang na-trap sa loob ng bumagsak na gusali sa Ecoland Drive Davao City at Kidapawan City makaraan ang malakas na panibagong pagyanig.

“We raise our minds and heart to the Lord and sincerely offered prayers for those people in great fear and anxiety and tension,” pahayag ni Archbishop Valles sa Radio Veritas.

Pagsalarawan ng arsobispo, malakas ang lindol na naramdaman sa Mindanao Huwebes ng umaga na nagdulot ng takot sa mga residente dahilan upang kanselahin ang klase at trabaho sa malaking bahagi ng Davao Region at North Cotabato.

Sinabi ni Archbishop Valles na maituturing na bad indicator ang pagbagsak ng ilang gusali sapagkat nangangahulugan ito na lumalakas ang pagyanig ng lupa na malaking banta sa kaligtasan ng mamamayan.

Hinimok ni Archbishop Valles ang buong sambayanan na magkaisang manalangin para sa katatagan at pangalagaan ang bawat isa sa gitna ng mga sakuna sapagkat mahalaga ang pagtutulungan.

“The bigger population will pray to the Lord that they will keep calm, alert and to be watchful for each other; to be caring,” ani ng pangulo ng CBCP.

Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council 8 ang nasawi sa mga nagdaang lindol sa North Cotabato.

Patuloy naman ang search and rescue operations ng mga awtoridad sa mga gusaling bumagsak upang mailigtas ang mga residenteng na-trap.

Tiniyak ni Archbishop Valles na kaisa ang Panginoon sa mamamayang nakararanas ng pagsubok.

“We believe that He (God) does not abandoned us; He is there for us!” saad ni Archbishop Valles.

PANOORIN DITO ANG PANALANGIN NI ARCHBISHOP ROMULO VALLES: